Showing posts with label Sine Nostalgia. Show all posts
Showing posts with label Sine Nostalgia. Show all posts

April 14, 2008

Sine Nostalgia: Huwag Hamakin: Hostess 1978

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


Buhay HOSTESS: HUWAG HAMAKIN

Itinatanghal sa Huwag Hamakin: Hostess (JPM Productions, Inc., 1978) ang salimuot ng buhay siyudad sa pamamagitan ng mga pangunahing tauhang sina Tonya (Nora Aunor) at Alice (Alma Moreno). Sila ang sentro, ang nagpapadaloy sa iba't-ibang salaysay ng pagpuputa sa ngalan ng pag-ibig. Katulong si Tonya sa tinitirahang boarding house ni Johnny (Orestes Ojeda), isang estudyante. Di naglaon, nahulog ang loob ni Tonya sa simpatikong binata. Samantala, nakilala ni Johnny si Alice sa kolehiyo at agad itong naakit sa angking kagandahan ng dalaga. Nagpupumilit magtapos sa kolehiyo si Alice nang makaahon sa kahirapan at magkaroon ng magandang kinabukasan kaya nag-aaral ito sa araw at namamasukan bilang hostess sa gabi. Upang matutustusan ang kanyang mga pangangailangan, kinumbinsi ni Johnny si Tonya na mag-hostess at pinangakuan niya ito ng kasal sa sandaling makapagtapos ng pag-aaral. Sa club unang nagkakilala sina Tonya at Alice hanggang sa maging magkaibigan ang dalawa. Itinuro ni Alice kay Tonya ang lahat ng kanyang nalalaman ukol sa kanilang hanapbuhay.Kapwa nila inililihim sa isa't-isa ang identidad ng kanilang mangingibig. Lingid sa kaalaman ng dalawa, sinusustentuhan din si Johnny ni Merle (Bella Flores), ang floor manager ng club na kanilang pinapasukan. Nang dumating ang pagkakataon kanilang matuklasang si Johnny ang kapwa nila kasintahan, walang tigil sa pasaringan sina Alice at Tonya. Titigil lamang sa pagtatalo ang dalawa nang ipangako ni Johnny sa bawat isa na ito ang magsasabit ng sampaguita sa araw ng kanyang pagtatapos sa kolehiyo. Ngunit isang di inaasang pangyayari ang magaganap hanggang sa matutunang tanggapin nina Tonya at Alice ang katotohanan.

Walang pagkukunwaring isinapelikula ng Huwag Hamakin: Hostess ang mga kompleksidad na inihain nito. Kasiya-siyang kuwento ito ng mga karaniwang babaeng nakupot sa pag-ibig at pagmamahal. Iniwasan ng pelikula ang puti at itim na depiksyon ng mga puta. Sa halip, binigyan ng bagong imahen ang mga melodramatikong arketipong ito nang may sensitibong pagbatid sa panig na tumatampok sa halip na kumakalimot sa mahapding mga dimensiyon ng mga karanasang babae sa di-matatag at laging nagbabagong papel ng kababaihan sa lipunan. Ipinahiwatig ang kompleksidad na ito sa pamamagitan ng matipid na espasyo at kumpas ng mga eksena at bihasang direktoryal na pagmamaneobrang nagpapatuloy sa tensiyon ng nagbabanggaang ideyolohiya ng pagiging babae. Mas dramatiko ring isinakonkreto ito ng mahusay na pagganap ni Nora Aunor bilang katulong na namasukan bilang hostess upang matustusan ang pag-aaral ng lalaking iniibig, pinapanood natin siya habang dumaraan sa proseso ng lumbay, pagkabigo at pagtanggap. Matingkad ang kanyang pagkakaganap dahil hinahatak niya tayong damhin ang kanyang mga dilemma habang nakikibaka siyang matanggap ang pagtataksil ng kasintahan. Katangi-tangi rin ang pagganap ni Alma Moreno at totoong nabawasan ang kanyang hysterical gestures sa pelikulang ito ngunit wala rin naman siyang ipinakitang bagong kakayahan para pangatawanan ang papel ng isang babaeng pilit ibinabangon ang sarili upang di-tuluyang masadlak sa kinagisnang uri ng pamumuhay. Humahantong man ang resolusyon sa antas ng pantasya, nang mapilitang magkasundo ang magkakatunggali lalo na nang kanilang matuklasan ang katotohanang may sariling pamilya ang lalaki. Sa pagtatapos ng pelikula, pilit na binuo ng dalawa ang pira-piraso ng kanilang nadurog na sarili at bumalik sa pagiging babae ang esensiya ng kanilang pagkatao.

Direksiyon: Joey Gosiengfiao

Dulang Pampelikula: Toto Belano

Sinematograpiya: Rey de Leon

Musika: Demet Velasquez

Editing: Segundo Ramos

Prodyuser: JPM Productions, Inc.


More Sine Nostalgia: Experience 1984

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


February 04, 2008

Sine Nostalgia: Experience 1984

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


EXPERIENCE... Isang Karanasang Di Malilimutan

Masasabing gasgas na ang paksang tinatalakay ng Experience (Regal Films) ngunit hindi pa rin ito marahil mawawala sa talaan ng matitinong pelikula ng taong 1984. Tungkol ito kina Jing-Jing (Snooky) at Froilan (Miguel Rodriguez), mga artistang hindi lamang sa harap ng kamera magkasintahan kundi maging sa likod nito. Kadalasa'y inuulan ang dalawa ng iba't-ibang intrigang gawa-gawa ng midya upang mapag-usapan ang kanilang ipapalabas na pelikula. Nariyang isulat na may namumuong relasyon diumano sa pagitan nina Froilan at sa aktres na si Marita Ayala (Bobbi Mercado). Hindi man aminin ni Jing-Jing ay naapektuhan din ito ng mga artikulong kanyang nababasa at balitang napapanood sa telebisyon. Higit na umigting ang tensiyon sa pagitan ng dalawa nang matuklasan ni Jing-Jing na makakasama nila si Marita sa susunod nilang gagawing pelikula. Samantala, natuklasan ni Jing-Jing na may isang misteryosong tagahangang sumusunod kahit saan ito magpunta. Nagpakilala ang lalaki bilang Rodrigo Blanco (Samuel Valero). Di nagtagal, napag-alaman ni Jing-Jing na kapatid nito ang lalaking gumurlis sa kanyang mukha noong siya ay bata pa. Gayunpaman, lingid sa kaalaman ni Jing-Jing ang pakay na paghihiganti ni Rodrigo. Isinakatuparan niya ito isang gabi nang matagpuang patay ni Jing-Jing si Tita Felisa (Estrella Kuenzler) at ang kanyang alalay. Dala ng matinding takot ay umuwi ito sa pag-aakalang hindi siya masusundan, ngunit natunton din siya ni Rodrigo. Nagtangkang tumakas si Jing-Jing at nagdudumali itong sumakay ng kotse subalit naabutan siya ni Rodrigo dahil lumundag ito sa harapan ng kanyang sasakyan at nang malaglag ay paulit-ulit itong sinagasaan hanggang sa mamatay.

Inilantad ng pelikula ang masalimuot na mundo ng industriya ng pelikulang sinisira ang personal na buhay ng mga artista. Mapangahas nitong tinalakay kung paano inaabuso ang artista ng mga taong nakapaligid sa kanila. Sa ganitong konteksto itinampok ang doble-karang mukha ng oportunistang midya. Itinanghal nito ang lawak ng kapangyarihang sinasaklawan. May kakayahan itong itaguyod ang malinis na reputasyon ng isang artista o kaya'y lubusang sirain ang pagkatao ng artistang nais makapagbigay ng kasiyahan sa kanyang mga tagasubaybay. Malinis na naihanay ni Lino Brocka at ng kanyang mga manunulat ang magkakaugnay na temang may mahalgang sinasabi tungkol sa situwasyon ng mga taga-industriya. At habang nagiging kumplikado ang tunggalian, nahawakan ng pelikula ang pananabik bunga ng maingat na editing, malikhaing sinematograpiya at ensemble na pagganap hanggang sa maipamalay sa pagtatapos ng pelikula na ang artista ay biktima rin ng mundong kanyang ginagalawan.

Direksiyon: Lino Brocka

Dulang Pampelikula: Jose F. Lacaba At Roy Iglesias

Sinematograpiya: Conrado Baltazar

Musika: Willie Yusi

Editing: Rogelio Salvador

Disenyong Pamproduksiyon: Joey Luna

Prodyuser: Regal Films


More Sine Nostalgia: Napakasakit, Kuya Eddie 1986

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


January 28, 2008

Sine Nostalgia: Napakasakit, Kuya Eddie 1986

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


O Anong Sakit, KUYA EDDIE

Dekada '80. Ang bansa ay sumasailalim sa isang krisis pang-ekonomiya. Maraming kompanya ang nagsasara dala ng matinding pagbulusok sanhi ng inflation. Isa si Mello (Ronaldo Valdez) sa mga nawalan ng hanapbuhay. Sa pagnanais na lumago ang natanggap na separation pay ay idineposito niya ito sa isang institusyong pinansyal kung saan itinakbo ng may-ari ang perang nalikom mula sa mga investors. Naging malaking dagok ito sa buong pamilya ni Mello at kinailangan nitong ibenta ang kanilang mga kagamitan at lumipat sa isang maliit na apartment hanggang sa pati ang asawang si Emma (Pilar Pilapil) ay kinailangang mamasukan sa isang travel agency upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Labis na naapektuhan ng situwasyon ang kanilang mga anak na sina Dino (Aga Muhlach) at Cynthia (Emily Loren). Bukod sa pagpasok sa eskuwelahan ay nag-waiter din si Dino sa Jollibee ngunit kasabay nito ang unti-unting pagkawasak ng kanyang relasyon sa kasintahang si Sandra (Janice de Belen), na may pansariling suliraning kailangang resolbahin. Samantala, naging mailap ang trabaho kay Mello hanggang sa mapagdesisyunan nitong magpunta sa Saudi Arabia upang maghanapbuhay. Patuloy pa rin si Cynthia sa pakikipag-ugnayan sa mga nakakatandang lalaking kanyang sinasamahan. Madalas na nagtatalo ang mag-ina dahil sa mga gawain ng anak hanggang sa lumayas ito at tuluyang talikdan ang sariling pamilya. Makaraan ang ilang taon ay nagbalik si Mello sa naiwang pamilya ngunit marami itong napansing mga pagbabago. Napag-alaman niya ang pakikitungo ng kanyang asawa kay Willy Ledesma (Charlie Davao), isang negosyante. Hindi naganap ang inaasahang pagkakabuo ng pamilya ni Mello. Iniwan ni Dino ang kanyang mga magulang at inayos nito ang kanilang relasyon ni Sandra hanggang tulyan silang nagsama bagaman walang tiyak na patutunguhan.

Isinapelikula ng Napakasakit, Kuya Eddie (Special People Productions, 1986) ang kompleksidad ng domestisidad at domestikasyon sa pamamagitan ng matipid na kumpas ng mga tagpo at bihasang direktoryal na pagmamaneobrang nagpapatuloy sa tensiyon ng nagbabanggaang ideyolohiya ng tahanan at pamilya. Mas dramatiko ring isinakonkreto ito ng mahusay na pagganap ni Pilar Pilapil. Bilang tradisyonal na maybahay na nangaliwa sa kanyang asawa, pinapanood natin siya habang dumaraan sa proseso ng lumbay, pagkabigo at pagtanggap. Matingkad ang kanyang pagganap dahil napilitan siyang lumikha ng mga bagong paraan ng pagharap hindi lamang sa kanyang sariling mga satanas kundi kasama rin ang kanyang pamilya na may basag na ngayon at may lamat. Ang maalam at matatag na pagganap ni Ronaldo Valdez ay nagsasaad ng pagkaunawa sa layuning dramatiko ng pelikula. Katangi-tangi rin ang pagganap ni Aga Muhlach sa maingat na pagsasagawa at pagtatanghal nito sa suliranin ng mga kabataan. Ang eksplorasyon ni Lino Brocka sa kanyang pagsasalarawan ng pamilyang Pilipino ay paglinang sa temang nangangailangan ng sariwang pamamaraan ng sinematikong paglalahad.

Direksiyon Lino Brocka

Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes

Sinematograpiya: Pedro Manding, Jr.

Musika: Homer Flores

Edtitng: Ruben Natividad

Disenyong Pamproduksiyon: Edel Templonuevo

Prodyuser: Special People Productions


More Sine Nostalgia: Pagdating Sa Dulo 1971

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


January 21, 2008

Sine Nostalgia: Pagdating Sa Dulo 1971

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


SA DULO Ng Hangganan Ni Bernal

Isang sadya at magaspang na plastisidad ang pinatingkad ni Ishmael Bernal sa kanyang kauna-unahang obra ang Pagdating Sa Dulo (Mever Films/Frankesa Films, 1971). Nakita sa pelikula ang pag-aabala ni Bernal sa tema ng alyenasyon, ng pagtiwalag, ng pagtatago at ng pagtanggap. Isang estratehiyang hindi lamang tumatanggi sa kintab at kinang ng mga pelikulang may higit na malaking badyet kundi matagumpay din itong nakalikha ng isang kapaligirang umaapaw sa iba't-ibang uri ng pagkalugmok at pagkakait. Mula pagkakalulong sa alkoholismo hanggang karahasang domestiko at prostitusyon. Kadalasan, sa proseso ng pagsasaliksik ng indibidwal na sarili ay nilalamon ang katauhan ng mga simbolikal na sistemang kinakalaban o minimithi. Talunan ang mga tauhan dahil kapwa nila hindi nagawang gapiin ang mga istrukturang pangkamalayang pumipiit sa kanila. Sa isang pagtingin ay maaring sabihing hindi rin naman talunan ang mga tauhan. Sa esensiya, ang unang pagtinging pagkatalo ng mga tauhan ay maaring basahin bilang pananagumpay ng tauhan laban sa pisikal, metapisikal, simbolikal at pangkamalayang istrukturang kanilang kinapipiitan. Isinalarawan ni Bernal ang personal niyang ideyolohiya. Ang personal bang pagtingin ng direktor sa kanyang pelikula ay siya ring personal na pagtingin ng kolektibong mamamayang nanood ng kanyang pelikula? Subalit hindi sapat ang ganitong pagtatanong sa paghihimay ng pelikula. Kinakailangan din igpawan ang kakulangan ng ganitong balangkas ng pagsusuri. Kailangan nating tingnan na ang pelikula, tulad ng anumang kultural na anyo, ay hindi repleksyon lamang ng lipunan o ng lumilikha ng sining na ito. Ang pelikula bilang isang kultural na teksto ay hindi pananalamin lamang ng isang uri. Higit sa lahat, ang pelikula bilang teksto ay produksiyon ng ideyolohiya, at bilang produksiyon ng ideyolohiya, ito ay pumapaloob sa tunggalian ng mga ugnayang sosyal na umiinog at nakakabit sa ugnayang pangkapangyarihan. Ginagampanan ni Ching/Paloma (Rita Gomez) ang kanyang papel bilang mangingibig ni Pinggoy (Vic Vargas) nang may pang-unawa kaya ipinapain nito ang kanyang katawan bilang imbakan ng kapangyarihan at nasa ng lalaki, marahil bilang isang talinghaga ng pagpuputa sa mahalay na kahingian ng komersyo at industriya.

Tinutukoy din ng Pagdating Sa Dulo ang iba mula sa iba pa dahil isa itong pelikula tungkol sa pelikula, lalo na ang Pelikulang Pilipino. Sa kabila ng sinematikong pagsasaysay ng pelikula nasa bingit ng posibleng pagsulong ang industriya, subalit hindi ito manggagaling sa dagdag na kapital o maging sa walang hirap na paghukay at pagsasatao ng hinagangaang mga bituin. Ang transpormasyon ay naisulong sa mabisang paglalangkap ng mga elemento ng pelikula. Masinop ang sinematograpiya sa pagsasalarawan ng dominasyon nang hindi nagiging mapagsamantala. Naging makabuluhan ang dulang pampelikula sa paraang nakapagsangkot ito ng mga tauhan, lalo na yaong matalinong ginampanan ni Rita Gomez na pinaaalingawngawang buhay at karanasan ng pangunahing tauhan at naglulundo sa kolektibong mithiin ng mga kababaihan. Mahusay rin ang karakterisasyon sa paglalahad ng kapani-paniwalang motibasyon ng mga tauhan upang mag-isip, kumilos at magbago. Sa pamamagitan ng pagsasalarawan sa hugpungan at umpugan ng katawan at pagnanasa, ipinakita ni Bernal sa pelikula ang walang takot na paglalantad sa mukha ng paggamit ng posisyon ng dominasyon sa industriya ng Pelikulang Pilipino.

Dulang Pampelikula At Direksiyon: Ishmael Bernal

Sinematograpiya: Delfin Carretas

Musika: Francisco Buencamino

Editing: Teofilo De Leon

Prodyuser: Mever Films/Frankesa Films


More Sine Nostalgia: Jaguar 1979

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


January 14, 2008

Sine Nostalgia: Jaguar 1979

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


Pagpasok Sa Teritoryo Ni JAGUAR

Ang paglikaw-sipat ng kamera ni Conrado Baltazar sa aktuwal na lugar ng Tondo ay pagsipat din sa buhay ng mga tauhang inilalantad ng naratibo. Pugad ng kahirapan ang looban na higit pang pinalubha ng pagsakop ng basura sa kinasanayang teritoryong tinatapakan ng tao. Nagsisikap mabuhay sa masikip na lugar ang mga tauhan sa pangnguna ni Poldo Miranda (Phillip Salvador) at ang mga karakter na naugnay sa kanya. Tila siruhanong inilalantad ng sinematograpiya ang reyalidad ng kanyang kundisyon, walang kurap na tinitistis nito ang gangrenosong mga ugat at laman ng kanyang personal at panlipunang ugnayan. Malinaw ang alusyon sa naunang Insiang (1976), hindi lamang sa balangkas ng pelikula kundi pati sa sityo ng pagdurusang panlipunan. Dito sa Jaguar (Bancom Audiovison Corporation, 1979), tumindi pa ang kalagayan ng kadahupan dahil sa paglukob ng tumataas na bundok ng basura sa batayang pamumuhay ng lahat. Lumulutang at lumulubog sila sa basura na walang maaasahang malinis na kinabukasan. Ang pagsisikap ng mga protagonistang makaahon sa literal at abstraktong basurang impiyerno ay dramatikong naitanghal sa mala-sosyorealistang estilo.

Ang produksiyon ng espasyo sa Jaguar ay sabay na naglalarawan ng milyu at sikolohikong kondisyon. Transgresibo ang proyektong ito sa loob ng namamayaning pagbalorisa ng pangkorporasyong layunin ng industriya ng pelikunang Pilipino sa mga romansang burgis na sadyang nagsasalaylayan sa mga malawakang panlipunang reyalidad. Mapapansin ito sa mismong pagtuon ng Jaguar sa natatanging representasyon ng isang limot na komunidad. Lumubog ang sinematograpiya sa materyal na nais maitanghal ng pelikula. Hinuhuli ng mata ng kamera ang ritmo ng buhay sa looban. May mga eksenang nagpapakita ng herarkikal at nahahati-sa-uring kondisyon ng lipunan hindi sa lantad at didaktikong paraan kundi sa tila-simpleng presentasyong biswal lamang. Halimbawa ang kuha ng paglalakad nina Sonny (Menggie Cobbarubias) at Direk (Johnny Delgado) sa matubig na iskinita papunta kina Poldo. Nasa unang antas ng kuwadro ang magagarang kasuotan at sapatos ng mga ito, nasa ikalawang antas naman ang kaligiran ng masikip at makipot na daan patungo sa higit na nagsisiksikang looban. Ang neutral na pagkakaiba ay nagkakaroon ng dimensiyong pangkultura at pampolitika sa gitna ng kaayusang likha ng tao na nagsusulong ng paggamit ng kapangyarihan para sa opresyon ng kapwa. Kasama ang anggulo ng kamera sa pagbubunyag ng ontolohiya ng lugar. Madalas na ang puwesto nito ay halos nasa ibabaw lamang at tinatanaw ang primal na tagpuan ng aksiyon, ang tahanan nina Poldo na isa lamang sa mahabang hilera ng mga bahay ng naghihikahos. Maihahambing ito sa ibong lumilipad para malapitang tingnan ang mga lihim sa kabila ng mga dingding at silid. Ang hidwaang sanhi ng unti-unting pagbabago ni Poldo ay naitanghal ng kamerang sumisilip sa kisame. Ang pagsasaayos ng espasyo-panahon sa takbo ng naratibo ay mainam na naisasagawa lalo na sa maiigting na eksena. Marungis ang disenyong biswal sa pelikula dulot na rin ng kahingian ng materyal. Malikhaing natimpla ito ng produksiyon at nalikha ang loobang bagama’t may malaking kahinaan sa pagbuo ng makatwirang delinasyon ng katauhan ni Cristy Montes (Amy Austria), ay nakapaglatag pa rin ng obrang sumasalungat sa higit na palsong pananaw sa daigdig ng burgis na pelikulang namamayagpag sa mga sinehan ng ating panahon.

Direksiyon: Lino Brocka

Dulang Pampelikula: Jose F. Lacaba At Ricardo Lee

Sinematograpiya: Conrado Baltazar

Musika: The Vanishing Tribe

Editing: Rene Tala

Disenyong Pamproduksiyon: Bobby Bautista

Prodyuser: Bancom Audiovision Corporation


More Sine Nostalgia: Broken Marriage 1983

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


January 07, 2008

Sine Nostalgia: Broken Marriage 1983

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


BROKEN MARRIAGE At Ang Salimuot Ng Relasyong Mag-Asawa

Mahigit sampung taong nagsasama bilang mag-asawa sina Ellen (Vilma Santos), floor director sa isang programang pantelebisyon at Rene (Christopher de Leon), isang investigative reporter. Sa simula pa lamang ng Broken Marriage (Regal Films, 1983) mapapansing pag-uwi pa lamang ni Ellen mula sa trabaho, pakikipagtalo agad ang isinasalubong ni Rene dito. Ipinakita ng pelikula ang tumitinding alitan sa pagitan ng mag-asawa hanggang sa mapagdesisyunan nilang pansamantalang maghiwalay. Pilit na ipinaintindi ng mga ito ang di pagkakaunawaan sa kanilang dalawang anak. Nanirahan si Rene sa isang bahay na pinamumugaran ng isang grupo ng mga absurd characters na matatagpuan sa pelikula. May iskultor, isang bit player at ang kinakasama nitong baklang art director. Di naglaon, napilitang makisama ni Ellen at ng mga anak sa poder ng kanyang ina sa dahilang pinagnakawan ang kanilang bahay dala ng kawalan ng lalaking magtataguyod dito. Nang mapag-alamang ilalathala ni Rene ang isang artikulong maglalantad sa katiwalian ng isang opisyal ng lokal na pamahalaan ay agad itongipinagulpi upang mapigilan ang pag-publisa ng artikulo. Pansamantalang tumigil si Rene kasama ng asawa't anak sa bahay ng kanyang biyenan upang magpagaling at dito naayos ng dalawa ang kanilang pagsasama. Ang pagtatapos? Muling nabuo ang kanilang pamilya.

Paano malalampasan ng Broken Marriage ang Relasyon? Kung pagbabasehan ang intensiyon ng direktor, higit itong nakaaangat sa Relasyon. Mula simula hanggang sa pagtatapos nito, hindi lumihis ang Broken Marriage sa mensaheng nais nitong ipahatid. Mahusay ang pagsasalarawan ni Ishmael Bernal sa domestikong suliranin ng mag-asawa bagama't sumasang-ayon sa patriyarkal na gahum habang pinagbibigyan nito ang di inaasahang pagkamulat ng lalaking protagonista ay nagpakita ding ganap sa semiotikong detalye ng kompleksidad ng resolusyon sa pansariling loob. Ang sensitibong paglikha ni Vilma Santos kay Ellen ay isang marubdob at personal na layon kung ihahambing sa kanyang pagsasakarakter ng papel ni Marilou bilang kerida sa Relasyon. Hinamon ni Ellen ang kumbensiyonal na depinisyon ng pagiging asawa at pagkaina sa paghahanap ng mga alternatibo sa gitna ng makainang pagpapalaki sa mga anak. Ginawan niya si Ellen ng sariling silid kung saan nakahanap ito ng solitaryong kanlungan nang hindi pinuputol ang pakikipag-ugnayan sa asawa. Iniugnay ni Ellen ang ang kanyang pribadong hapdi sa spectrum ng kanyang relasyon. Samantala, nakatutok ang tunggalian sa Broken Marriage hindi lamang kay Vilma Santos kundi kay Christopher de Leon. Nasa asawang lalaki ang bulto ng suliranin kaya sa kanya umiikot ang kuwento, ang relasyon ni Rene kay Ellen at ang relasyon ni Rene sa kanyang mga anak. Ang maalam na pagpasok ni de Leon sa katauhan ni Rene ang lumiligalig sa mga kontradiksiyong talamak sa sistemang patriarkal. Kaakibat ng Broken Marriage ang manipestasyon ni Bernal sa pagbibigay ng representasyon sa reyalidad at partikular na pagsasaayos ng iba't-ibang elementong kaagapay sa masining na pagbuo ng pelikula.

Direksiyon: Ishmael Bernal

Dulang Pampelikula: Jose Carreon At Bing Caballero

Sinematograpiya: Manolo Abaya

Musika: Max Jocson

Editing: Jess Navarro

Disenyong Pamproduksiyon: Len Santos

Prodyuser: Regal Films


More Sine Nostalgia: Bakit May Pag-ibig Pa 1979

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


December 31, 2007

Sine Nostalgia: Bakit May Pag-ibig Pa 1979

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


Ang Magkaibang Hugis Ng PAG-IBIG

Dalawang magkaibang hugis ng pag-ibig ang tinalakay sa pelikulang Bakit May Pag-Ibig Pa (AA Productions, 1979). Isang pambihirang pagkakataon kung saan maikukumpara ang magkaibang estilo ng dalawa sa pinagpipitagang manlilikha ng pelikulang Pilipino, sina Ishmael Bernal at Celso Ad Castillo. Sa unang kasaysayang mula sa dulang pampelikula ni Jorge Arago ay ipinakita ang di inaasahang pagtatagpo ng isang dating madre (Nora Aunor) at isang arkitektong naghahanap ng kasagutan sa mga katanungang bumabagabag sa pagkatao nito. Mapapansing malaki ang impluwensiya ng mga banyagang pelikula tulad ng Interiors (1978) ni Woody Allen. Nagtangkang maging alternatibo ang kasaysayan ni Bernal, ngunit hindi malinaw kung alternatibo saan at kung kaninong punto de bista. Bunga nito nagmistulang pinag-halu-halo ng kung anu-anong isyu ang pelikula at nalabusaw ang mahusay na panimulang eksposisyon sa talinhaga ng dalawang tauhan at ang kanilang magkaibang antas sa buhay. Gayon pa man, mapapansin sa watak-watak na daloy ng naratibo ang pagsisikap na pagsanibin ang mga nasa, pisikal/seksuwal, pangkaisipan at espiritwal upang muling buuin ang pagkatao ng mga karakter. Naglalakad na tila walang patutunguhan ang madre sa paghahanap ng metaporikal na kahulugan ng pag-ibig at pananampalataya. Sa kanyang paglalakbay, nagtagpo sila ng arkitektong napagkamalan itong katulong na siyang ipinadala ng kanyang ina. Nang gahasain ng amo, hindi lamang ang kanyang pisikal na pagkababae ang ginahasa kundi maging ang kanyang humanidad. Winasak ng karahasang ito ang kanyang paniniwala sa katutubong gawi. Nariyan din ang paglalaho ng poot sa lalaking nang-abuso, nagbigay daan ang kanyang dinanas upang mabuksan hindi lamang ang kanyang isipan kundi ang natutulog nitong damdamin. Sa dulo ay nagbunga ito ng isang uri ng pag-iibigang lubhang matalinghaga at hindi inaasahan. Mapangumbinsi ang pagganap ni Christopher de Leon. Nasa kanyang karakter ang bulto ng suliranin kaya dito umiikot ang kuwento, relasyon niya sa kanyang ina (Paraluman), ama (Vic Silayan) at pakikitungo sa kanyang katulong (Aunor). Sensitibo ang kanyang pagpasok sa katauhan na nililigalig ang mga kontradiksiyong talamak sa nakasanayang tradisyon ng pagganap sa pelikula. Ang tapang at husay ni Nora Aunor ay hindi nabigyan ng sapat na paggabay upang magagap ang kabuuan ng internal na tensiyon ng pangunahing tauhang babae. Hindi ito napatampok sa antas ng kontradiksiyon, sa halip ay hinayaang lumutang-lutang ang tensiyong hindi nagkaroon ng matalinong resolusyon.

Sa kabilang banda, masinop ang mga elemento ng pelikula sa kasaysayan ni Castillo ngunit napakanipis ng temang pinalaman sa dulang pampelikulang isinulat din ng direktor. Nagingibabaw ang aspetong teknikal ng pelikula. Naipahayag nito ang naratibo habang nagtutuon ng matimbang na pagpapahalaga sa estetika ng pelikula. Ang pagsisikap ni Castillo na gamitin ang lakas ng teknik ay humahantong sa isang antas upang ito ay maging makabuluhang pelikula. Ang mga imahen ng Ati-Atihan sa Aklan kung saan unang nagkita at nagkakilala sina Solly (Alona Alegre) at Cris (Romeo Vasquez), mga tagpo sa Baguio at mga kuha ng tenement housing kung saan naninirahan si Solly ay lumilikha ng pelikulang mahusay ang bahaging produksiyon, sa kabila ng umuulikkil na suliranin sa layuning dramatiko ng pelikula. Dumarating ang mga imahe at tunog sa tantiyadong dinamika at nagpapatindi sa kamalayan sa pag-iral ng sariling nakapaloob sa kapaligiran ng mga tauhan. Ang sensitibong paglalantad ni Alona Alegre ng saloobin ay isang kapani-paniwalng pagganap at pagtatapat. Mahalagang puwersa sina Bernal at Castillo na tumitiyak sa hugis ng pelikulang Pilipino. Isinalarawan sa Bakit May Pag-Ibig Pa ang personal na ideyolohiya at pilosopiya ng dalawang direktor. Ang pelikula ay repleksiyon ng mga manlilikha nito at nagsisilbing teksto ng pananalamin sa kani-kanilang punto-de-bista.

(Unang Kasaysayan)
Direksiyon: Ishmael Bernal

Dulang Pampelikula: Jorge Arago

Sinematograpiya: Loreto Isleta At Sergio Lobo

Musika: George Canseco

Editing: Abelardo Hulleza

Disenyong Pamproduksiyon: Beatriz Gosiengfiao, Pis Boado At Danny Alvarez


(Ikalawang Kasaysayan)
Dulang Pampelikula At Direksiyon: Celso Ad Castillo

Sinematograpiya: Romeo Vitug

Musika: George Canseco

Editing: Abelardo Hulleza

Prodyuser: AA Productions


More Sine Nostalgia: Kakabakaba Ka Ba? 1981

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


December 17, 2007

Sine Nostalgia: Kakabakaba Ka Ba? 1981

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


Bawat Pintig... Bawat Tibok... KAKABAKABA BA BA?

Kailan ba sinasabing kumbensiyunal ang paraan ng pagkukuwento ng isang pelikula? Nagdaan ito sa pag-eeksperimento ng manlilikhang naghahanap ng mga paraang higit na umaangkop sa kani-kanilang mga layuning pansining. Ang Kakabakaba Ka Ba? (LVN Pictures, 1980) ni Mike de Leon ay pelikulang humihigi ng pagbasa ang paksain at ang mga tagpong maingat na naisaayos ng direktor. Dahil maraming detalye ang tumataliwas sa reyalismo, hinihikayat ng dulang pampelikula ang manonood na hanapin ang kahulugan sa ibang lebel, ang lebel na ipinapatnig ng masakit na pagbibiro. Mapait na biro siyempre ang prosesong pinagdaanan ng Hapong si Onota (Buboy Garovillo) sa makailang ulit na pagtatangkang magpasok ng mga ilegal na substansiya sa bansa na siyang naging sanhi ng pagkaputol ng kanyang mga daliri sa bawat tinamong pagkabigo. Walang duda, nais ipaabot ng nasabing detalye ang sakripisyo ng isang miyembro ng Yakuzang nabigyan ng isang mahalagang misyon ng Grand Master (George Javier). Muling nabigyan si Onota ng pagkakataong makabawi sa mga naunang pagkabigo ngunit nanaig ang pangambang maaring maulit ang nangyari dati. Inilagay nito ang cassette tape na naglalaman ng opyo sa bulsa ng jacket ni Johnny (Christopher de Leon). Isinalarawan ng direktor ang mga kasiya-siyang situwasyong nakapaloob sa pelikula at gumamit ito ng masakit na pagbibirong tinuligsa hindi lamang ang kamangmangan ng maykapangyarihan kundi pati na rin ang sekta ng relihiyon. Sa pamamagitan ng pagbibiro, napalalim ni De Leon ang pamumuna ng kanyang pelikula.

Naiiba ang estilo ng pagsasalaysay sa mga pangyayaring pinili ng mga manlilikha upang mailarawan ang nagbabadyang tagumpay ng Yakuza sa pamamagitan ng paggamit ng musika sa dalawang tagpong tila halaw sa mga tradisyunal na pelikulang banyanga tulad ng Godspell (1973), Hair (1979) at Rocky Horror Picture Show (1975) . Mahalaga rin ang paggamit sa elemento ng editing sa pagbusisi ng pelikula sa mga tunggalian ng hayag at di hayag, ng lantad at ng mga nakatago, ng mga intelektuwal at mangmang, ng tuso at uto-uto, ng mga politikal o apolitikal ng mga makapangyarihan at walang kapangyarihan, ng mga naghahabol at hinahabol, ng mga pagkasukol at pagkaligtas at kung paanong nagsasalimbayan, nagkakabaligtaran at kadalasan ay nagkakatulad at nag-aayunang mga dikotomiyang ito. Sa katunayan ay ipinakita ni De Leon sa pelikula ang nagkakapalitang-anyo at mukha ng mga dikotomiyang ito, ang pagpapalit-posisyon ng mga tauhan at mga estruktura upang padaluyin ang isang pagkakaiba ng mga nilikhang dikotomiyang ito. Sa maraming pagkakataon ay magkakakutsaba ang mga paghahating ito. Ang morpolohiyang ito at ang paniniyak sa mga estratehiya sa pagpapatuloy ng kaayusang ito ang inilantad ng pelikula sa mabusisi nitong pagtatagping kinahantungan ng mga biswal ay awral na imahe ng lipunang Pilipino.


Direksiyon: Mike de Leon

Dulang Pampelikula: Doy del Mundo Raquel N. Villavicencio At Mike de Leon

Sinematograpiya: Rody Lacap

Musika: Lorrie Ilustre

Editing: Ike Jarlego, Jr.

Disenyong Pamproduksiyon: Raquel N. Villavicencio

Prodyuser: LVN Pictures


More Sine Nostalgia: Ang Kambal Sa Uma 1979

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


December 10, 2007

Sine Nostalgia: Ang Kambal Sa Uma 1979

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


Naiibang KAMBAL

Isang metaporikal at tuwirang pagdanas sa hamon ng tradisyon ang dinaanan ng magkapatid na sina Ella at Vira (Rio Locsin) sa Ang Kambal Sa Uma (SQ Film Productions, 1979). Itinago ni Ben (Jose Romulo) ang kambal upang ilayo sa pangungutya ng mga taga-lalawigan dahilan sa naiiba ang mga ito. Binulabog ni David (Al Tantay) ang dinatnang ayos ng buhay ng mag-aama, hanggang sa umibig si Ella sa binata. Sa pag-aakalang may pagtingin din sa kanya ang binata ay nagtungo si Ella sa ospital kung saan ito nakaratay at doon, siya ay nabaril ng kasamahan ni David. Sa pagnanais na ipaghiganti ang sinapit ni Ella ay nasawi din ang kanilang ama. Kahit sumakabilang buhay na ay nagpapakita pa rin si Ella kay Vira. Sumailalim sa isang modernong transpormasyong medikal si Vira sa tulong ni Dr. Alfredo Aldeguer (Orestes Ojeda). Naging matagumpay ang pagbabagong anyo ni Vira at kahit lubos ang pagtanggi nito ay ginamit ni Ella ang katawang tao nito upang tuluyang mapasakanya si David.

Sa unang tingin ay tila isang nakasanayang pormula ng pagtalakay sa isang lokal na komunidad at mitolohiya ang pelikula ngunit nag-ibang pihit ito dahil sa malawak na imahinasyon ni direktor Joey Gosiengfiao. Inilantad nito ang masalimuot na buhay ng magkapatid na taong daga at ang pagtalikod ng lipunan sa mga tulad nila. Itinampok din ang doble-karang mukha ng kontemporaryong medisina sa eksploytasyon sa abnormalidad ng tao. Itinanghal nito ang lawak at kapangyarihan ng aparatong ito ng lipunan. Maaring batikusin ang pelikula dahil tila naging deus ex machina ang kanyang resolusyon na tanging sa kamatayan lamang maisasakatuparan ang pagmamahalan ni Ella at David gayong natukoy na sa daloy ng istorya na artipisyal ang damdamin ng lalaki at walang puwang dito ang pagmamahal. Subalit sa kabilang banda'y maaring ipinamamalay nga ng pelikula sa ganitong resolusyon na hindi lubusang maipapaliwanang ang tunay na saloobin ng tao. Masinop ang mga elemento ng pelikula sa Ang Kambal Sa Uma. Konsistent ang disenyong biswal at sinematograpiya. Malinis ang editing, sayang at hindi man lamang gumamit ng orihinal na musika ang pelikula. Sa pangkalahatan, masasabing malinis na naihanay ni Gosiengfiao ang magkaka-ugnay na tema ng pelikula. Nagawa ng Ang Kambal Sa Uma na lambungan ng misteryo ang daloy ng mga pangyayari upang sa huli'y maging higit na epektibo ang pagtukoy sa dinanas ng magkapatid na taong daga, at habang nagiging kumplikado ang tunggalian, nahawakan ng pelikula ang pananabik ng manonood hanggang maipamalay sa wakas ng istorya na tao rin ang maaring makapagpabago sa abnormalidad ng kapwa tao.

Direksiyon: Joey Gosiengfiao

Dulang Pampelikula: Medy Tarnate

Hango Sa Nobela Ni: Jim Fernandez

Sinematograpiya: Ricardo Jacinto

Musika: Demet Velasquez

Edting: Rogelio Salvador

Prodyuser: SQ Film Productions


More Sine Nostalgia: Diosa 1981

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


December 03, 2007

Sine Nostalgia: Diosa 1981

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


Maakit At Mahalina Sa Ganda Ng DIOSA

May misteryo sa likod ng sunud-sunod na pagkamatay ng mga lalaki sa angkan ng mga Alegre. Ang dalawang natitirang mga lalaki ng angkan, ang magkapatid na sina Jun (Alfie Anido) at Teddy (Lloyd Samartino) ang naiwang tanging tagapagmana ng kanilang yumaong ama. Naging punong tagapamahala ng kanilang negosyo si Jun. Nakatakda na rin itong magpakasal sa katipang si Joanne (Jenny Ramirez), ngunit nahumaling ito kay Katrina (Lorna Tolentino), isang misteryosang babaeng nakilala nito sa isang disco. Naging madalas ang pagtatagpo ng dalawa hanggang matunton at mahuli sila ni Joanne. Walang hilig sa negosyo si Teddy, pinagtutuunan nito ng pansin ang pagtatapos ng kursong Antropolohiya. Sa kanyang pagsasaliksik ay nagawi ito sa Barrio Alitaptap at dito niya nakilala si Luz (Lorna Tolentino), isang mayuming dalagang naninirahan sa lalawigan. Nabihag ng kasimplehan ni Luz si Teddy at tuluyang nahulog ang kanilang loob sa isa't-isa. Di naglaon ay kinailangang lumayo ni Luz dahilan sa hindi niya nais na mapahamak si Teddy. Nagbalik ito sa Maynila at ipinakilala ni Jun si Katrina sa kapatid. Dahilan sa hindi maitatatwa ang malaking pagkakahawig ni Luz kay Katrina ay nagkaroon din si Teddy ng kaugnayan sa nobya ni Jun. Minsa'y nakita ni Jun sina Teddy at Katrina na magkasamang nanood ng sine at dito nagsimula ang alitan sa pagitan ng magkapatid. Nagtungo si Teddy sa Nueva Ecija at doon ay natuklasan nitong iisa ang babaeng naging dahilan ng pagkamatay ng kalalakihan sa kanilang angkan. Samantala, isinama ni Katrina si Jun sa Barrio Alitaptap upang diumano'y ipakilala ito sa kanyang pamilya. Sinundan ni Teddy si Jun upang iligtas sa napipintong kapahamakan, ngunit naisagawa ni Katrina ang paghihiganti. Nais lamang ng diwatang si Luciernaga (Lorna Tolentino) maibalik ang pag-aaring mga alahas na kinuha ng kanyang ninunong si Don Felipe (Raoul Casado) upang matahimik na ito. Ibinigay ni Teddy ang mga ito at tuluyang namaalam ang diwata.

Isang metaporikal at tuwirang pagdanas sa hamon ng tradisyon ang dinaanan ng magkapatid na Jun at Teddy sa Diosa (Regal Films, 1981). Wala na sa kamalayan ng mga ito ang sinaunang kapaniwalaan. Binulabog ng kanilang ninuno ang dinatnang ayos ng kalikasan at nabulabog naman ang mga ito ng kanilang aroganteng pananaw sa mundo ng supernatural. Sa unang tingin ay tila isang simpleng pelikula lamang ang Diosa. Ito ay behikulong nagsasalarawan ng kinalalagyang posisyon ng mga tradisyong wala na sa kamalayan ng modernong kaisipan. Nagbubukas ang pelikula ng pinto upang tanawin ng nito ang nakalipas at ang malaking posibilidad na maunawaan kahit sa nalohikal at nagohikal na signipikasyon na may isang bahagi ng kanilang katauhang nakikipagtagpo sa guni-guning bahagi ng kanilang reyalidad. Hinikayat ng lingid sa reyalidad na iyo na kinakatawan ng mapang-akit na diwata ang magkapatid sa kaibuturan ng kanyang pinagmulan. Sa ganitong pagbasa, hindi nagkataon lamang na paghihiganti ang nasa ng diwata kundi nais nitong iparamdam ang pakikiisa sa katutubo, gaano man kaganda o kasakit nito.

Direksiyon: Maryo J. de los Reyes

Dulang Pampelikula: Soxy Topacio Kriss Adalia At Jake Tordesillas

Sinematograpiya: Joe Batac, Jr.

Musika: Lutgardo Labad

Editing: Rogelio Salvador

Disenyong Pamproduksiyon: Dez Bautista

Prodyuser: Regal Films


More Sine Nostalgia: Bilibid Boys 1981

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


November 26, 2007

Sine Nostalgia: Bilibid Boys 1981

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


Huwag Pamarisan: BILIBID BOYS

Sa unang panonood pa lamang ng Bilibid Boys (Regal Films, 1981), madali nang malaman ang pakay at hangad ng ganitong uri ng pelikula. Payak lamang ang nais itumbok ng Bilibid Boys at siyempre pa bukod sa walang patumanggang bakbakan, suntukan, habulan at patayan, hinaluan din ito ng kung anu-anong sangkap tulad ng iyakan, sigawan, konting seks at pagpapatawa upang ikasiya ng manonood nito. At bakit nga hindi kung pakakaisiping ang tinatalakay ng pelikula ay kasaysayan ng mga kabataang naligaw ng landas dala ng panggrupong impluwensiya. Sa bandang ito, naiiba ang pelikula dahil walang iisang protagonista, hati-hati ang maraming tauhan sa daloy ng naratibo na pinag-isa ng tema. Dahil payak lamang ang nais ipahatid at aliw ang pangunahing layon nito, pinalabas ng pelikula na isang simpleng di pagkakaunawaan lamang sa pagitan nina Don (Jimi Melendez) at Arnold (Allan Valenzuela) ang naging puno't dulo ng kaguluhang kinsangkutan ng mga kaibigan nitong sina Andong (Al Tantay), Noel (Mark Gil), Steve (Alfie Anido), Butch (Gabby Concepcion), Luga (William Martinez) at Caloy (Choy Acuna). Pinalabas ng pelikula ang salimuot ng karanasang pinagdaanan ng mga kabataang ito sa loob ng bilangguan. Ang hindi tinlakay sa Bilibid Boys ay ang ilang mahahalagang bagay ukol sa kalagayang panlipunang higit ang kinalaman sa mga isyung inihain ng pelikula.

Tunay, binibigyang atensiyon ng Bilibid Boys ang mga kabataan kahit sa pana-panahon lamang. Pagsunod lamang ito sa diumano'y tiyak na pagsamba ng lipunan sa mga matipuno, walang kulubot at ubang kabataan. Ganito man ang inaakala at inaasahang pangunahing dahilan sa paglikha ng mga obrang ito, naglalantad pa rin ang pelikula ng mga kahulugan at pagbasa ukol sa kabataan. Kinakitaan ito ng mga kontemporaryong larawan kundi man ng pagbabago o di pagbabago sa halagahan ng lipunang Pilipino. Moderno ang lengguwahe ng mga kabataan sa pelikulang ito na siyang nagpapahayag ng kanilang reyalidad. Maging ang kanilang pagbibihis ay umaagapay sa subkulturang nagtuturing sa moda bilang pasaporte sa paglahok sa mga gawain ng partikular na grupong nais kabilangan. Bago matapos ang pelikula, mapapatay si Luga gawa ng pananambang ng mga kasamahan ng katunggaling grupo. Ganoon din naman si Caloy, mapapaslang ito upang mapaghigantihan ang ang umutas sa buhay ni Luga. Sinubok ng Bilibid Boys na kumawala sa lumang etikang nakabatay sa pagsasalarawan at pag-unawa sa mga kabataan. Naroon pa rin ang paniniwalang wala silang muwang sa pagharap sa hamon ng lipunan ngunit sa dakong huli'y nabigyan din ng pagkakataong magpasiya upang matagpuan ang lagay sa lipunang patuloy na nagbabago.

Direksiyon: Ishmael Bernal

Dulang Pampelikula: Deo Fajardo, Jr.

Sinematograpiya: Sergio Lobo

Musika: The Vanishing Tribe

Editing: Augusto Salvador

Disenyong Pamproduksiyon: Peque Gallaga

Prodyuser: Regal Films


More Sine Nostalgia: Atsay 1978

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


November 19, 2007

Sine Nostalgia: Atsay 1978

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


Katulong... Kasambahay... ATSAY

Nakabigkis sa isang ironiya ang pangunahing tunggalian ng pelikulang Atsay (IAN Film Productions, 1978). Kailangang maghanapbuhay si Nelia (Nora Aunor) sa siyudad upang tulungang buhayin at itaguyod ang sariling pamilya, dala ng matinding kahirapan. Sa huli, kakailanganin niyang mamili bilang biktima ng karahasan sa siyudad at bilang babae. Nasa paglalahad ng dramatikong tensiyon at paggalugad sa mga konteksto ng bubuuing pasiya ang kabuluhan ng pelikula. Atsay na maituturing si Nelia dahilan sa wala itong ibang abilidad, tanging ang paninilbihan lamang bilang katulong ang kanyang maaring gawin. Namasukan si Nelia kina Mrs. Anton (Angie Ferro) at doon ay kanyang dinanas ang labis na kahirapan at ang di makataong pagtrato sa kapwa.

Iigiting ang takbo ng kuwento sa paglipat ni Nelia sa tahanan nina Mrs. Tulio (Armida Siguion Reyna). Bunga nito, papayagan nitong gamitin ng among lalaki (Renato Robles) ang kanyang pagkababae. Bagaman maayos ng bahagya ang pagtrato kay Nelia, hindi pa rin magiging madali para sa kanya ang bagong sitwasyon. Bukod sa pagtupad sa mga responsibilidad sa pamilyang pinaglilingkuran, kailangan niyang hatiin ang sarili sa mag-asawa at pamilya sa lalawigang nag-aagawan sa kanyang atensiyon. Masasaksihan din niya ang hirap ng paninimbang sa pinagsisilbihang pamilya. Pinatitingkad ang pelikula ng mga katangian ng melodrama na makikita sa ilang ipinamalas nitong kumbensiyon. Pangunahin sa mga katangiang ito ang pagtatampok sa katauhan ni Nelia na tigib ng hirap at pighati sa araw-araw na pakikipagsapalaran sa pagtupad sa mga tungkuling iniatang ng lipunan sa babae. Bilang anak, kailangan niyang tiisin ang pangungulila sa sariling pamilya habang naninilbihan sa ibang pamilya. Bilang atsay, kailangan naman niyang hatiin ang hapong katawan sa samot-saring gawain ng pagiging katulong sa bahay, at balikatin ang iba pang domestikong pasanin ng pinagsisilbihang pamilya.

Ngunit binibigo rin ng ang karaniwang ekspektasyon sa isang pelikulang melodrama. Isa pa, maingat na binuo ang karakter ng mga tauhan kaya naman kumikilos sila hindi ayon sa paghuwad sa mga gasgas na karakterisasyon kundi ayon sa maingat at talinong paghimay sa iba't ibang tensiyong kinakaharap ng mga tauhan. Mahusay at matalinong nagampanan ni Nora Aunor ang pagsasalarawang may kakayahang umarok at umunawa, mag-isip at dumama, magpasiya at kumilos tungkol sa iba't ibang hamon ng kanyang mundo, pati ng samot-saring komplikasyon ng malawak na reyalidad ng mga taong nakapaligid sa kanya. Sa pagsapit ng kasukdulan ng naratibo, may magandang alok na dudulog kay Nelia, ang pagkakataong magmahal at mabuhay sa piling ni Pol (Ronald Corveau). Ngunit mangangahulugan ito ng pagbibigay ng pag-asa. Kung maghahandog lamang ng ideyalistang pagtatapos ay madaling hulaan ang mga posibilidad para wakasan ang pelikula. Bibigyan ni Nelia ng pagkakataon ang sariling madama ang tunay na kaligayahan sa piling ni Pol. Sa pagtatampok sa proseso ng pagpapasiya ni Nelia, naipamamalas kung paanong ang melodrama ay nagagamit sa paglalarawan ng damdamin, ligalig,at iba pang aspetong personal, at kung paanong sa pagsasadula ng mga dinaranas na mga agam-agam at pighati ay mapatingkad ang pakikibaka ng mga tauhan samga institusyon at estrukturang panlipunan. Hindi lamang ang paluhain ang manonood ang pakay ng pelikulang Atsay kung gayon. Nagpapahiwatig din ito ng bagong kabatiran tungkol sa pagkatao at lipunan, at ng posibilidad sa paghuhunos ng anyo ng melodrama ng sineng Pilipino.

Direksiyon: Eddie Garcia

Dulang Pampelikula: Edgardo M. Reyes

Sinematograpiya: Romeo Vitug

Musika: George Canseco

Editing: Jose H. Tarnate

Prodyuser: IAN Film Productions


More Sine Nostalgia: Pepe En Pilar 1981

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


November 12, 2007

Sine Nostalgia: Pepe En Pilar 1981

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


Sina PEPE EN PILAR Sa Lunan Ng Mga Dayuhan

Ang pagdadala ng diskurso ng pelikulang Pilipino sa dayuhang lunan ay naging uso sa biswal na kultura ng mga Pilipino. Unang hati pa lamang ng dekada '70 ay nagkaroon na ng ganitong takbo sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino. Natigil man ang ganitong kalakaran sa panahon ng batas militar sa paghihigpit ng pagbibiyahe sa labas ng bansa, nanumbalik muli ito sa dekada '80. Sinubukan ni Maryo J. de los Reyes na suungin ang usapin ng representasyon ng dayuhang espasyo sa pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng paggamit sa komedya bilang mahalagang sangkap ng kanyang naratibo sa Pepe En Pilar (Regal Films, 1981). Lumahok sa Search For Miss San Francisco Soy Sauce si Pilar (Maricel Soriano), isang patimpalak pang-telebisyon kung saan ang magwawagi ay makakapagbakasyon sa Amerka bilang gantimpala. Nang manalo si Pilar sa patimpalak, tumulak ito patungong San Francisco dala ang pag-asang muli silang magkikita ng kanyang nakatatandang kapatid. Habang sakay ng eroplano, nakilala nito si Pepe (Gabby Concepcion), isang migranteng pabalik ng Amerika. Sa mga sumunod na tagpo ay ipinakita ang patuloy na paghahanap ni Pilar at ng kaibigang si Siony (Geleen Eugenio) sa kanyang kapatid. Minsan, pinasamahan ni Siony si Pilar kay Dani (Dani Diovani), ang kanyang nobyo, ngunit pinagsamantalahan ng binata ang dalaga at dala ng labis na takot ay napadpad ito sa kotse ni Pepe. Nahikayat ng una ang huli na kunin ang serbisyo nito bilang tagapag-alaga ng kanyang Lola Rosa (Katy de la Cruz). Di naglaon ay nahulog ang kanilang loob sa isa't-isa, ngunit sa kasamaang palad ay natuntong iligal ang paglagi ni Pilar sa bansa at muling pinabalik sa Pilipinas.

Binuwag ng pelikula ang pagmamasid panturista sa dayuhang espasyo. Narito sa Pepe En Pilar ang espasyong binubuo ng mga migranteng Pilipino sa dayuhang espasyo. Mapapansin ang kahingian ng pagbubuo ng ekstensiyon ng lokal na espasyo sa dayuhang espasyo. Isang halimbawa kung paano binubuo ng mga lokal na produkto mula sa Rufina Patis hanggang sa walis tambo ang ekstensiyong ito sa dayuhang espasyo. Ngunit dahil sa kalagayan bilang dayo nagkaroon lamang ng espasyo ang mga Pilipinong migrante sa pamamagitan ng kanilang lingguhang pagsama-sama upang makapagtakda ng sarili nilang espasyo sa loob dayuhang espasyo. Magulo, hindi maayos, maraming tao ngunit kinakailangan para sa kaligtasan ng lahat lalung-lalo na kung iligal ang pagpirmi sa dayuhang espasyo. Narito rinmang banggan ng mga kulturang Pilipino na hindi panturista ang dayuhang espasyo kung kaya kinakailangang magsikap. Ganito ang naging payo nina Siony at Pepe kay Pilar. Ang mahalaga'y nabubuwag niya ang pagmamasid panturitsa sa dayuhang espasyo, kung kaya't ibinitin din ng pelikula ang konklusyon kung magiging maligaya sina Pepe at Pilar sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas. Dahil hindi na mahalaga kung saang pisikal na espasyo inilulugar ang indibidwal na tao.

Direksiyon: Maryo J. de los Reyes

Dulang Pampelikula: Toto Belano At Jake Tordesillas

Sinematograpiya: Joe Batac, Jr.

Musika: Demet Velasquez

Editing: Rene Tala

Disenyong Pamproduksiyon: Desarie Sy (San Francisco), Butch Garcia At Edwin Garcia

Prodyuser: Regal Films


More Sine Nostalgia: Shame 1983

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


November 05, 2007

Sine Nostalgia: Shame 1983

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


SHAME... Dapat Bang Ikahiya?

Nang ipalabas ang Shame (Regal Films, 1983) , marami ang nagulat sa handog na ito ni Elwood Perez. Taglay ng pelikula ang mga di-mapagpalayang imahen ng kababaihan tulad ni Charley (Claudia Zobel), na naging panggulo sa buhay ng mga lalaki at sa nanahimik na relasyon ng mag-amang Berting (Robert Arevalo) at Nonoy (Patrick de la Rosa) pati ang katawa-tawang pa-intelektuwal ni Dickie (Dexter Doria) ang nahuhumaling na direktor at nagkalinga kay Charley. Bagamat nakasentro ang dulang pampelikula ni Iskho Lopez sa animo boluntaryong pagkilos ni Charley, ang pag-usad ng kuwento ay mahigpit pa ring nakakawing sa mga motibasyong pang-lalaki at maka-lalaki. Pangunahin dito ang panata ni Berting sa pagganap bilang Kristo sa taunang pagtatanghal ng senakulo at ang pagkawasak ng kanyang mga pangarap para sa anak na si Nonoy. Kaakibat nito ang pagsibol ng pagkalalaki ni Nonoy, ang kanyang pakikipagsapalaran sa lungsod, pagmamahal at pagkabigo kay Charley.

Sumusunod ang lente ng kamera sa bawat pitik, galaw ng katawan at mukha ni Claudia Zobel pati na rin ang kanyang mga nakakasalamuha habang ginagaygay nito ang pasikut-sikot ng baryo. Kumunoy ng trahedya ang situwasyon ni Charley lalo pa't tila wala siya ni katiting na kamalayan sa kinalulubugan. Sayang at hindi napangatawanan ng palabas na ito ang diskurso ng naratibo. Mapapansin na pagkatapos maipundar ang milyu, hindi na alam ng direktor kung paano paandarin ang istorya. Sapat nang ipasubo ang bida sa mga kung-anu-anong situwasyong nangangailangan ng paghuhubad. Ngunit maliban sa pagtukoy ng kahinaang ito na siya naman talagang bumalda sa Shame, ibaling na lang natin ang ating pansin sa makapal na tekstura ng pelikulang napapalooban ng mga nakalilibang na sangkap tulad ng maingay na sabunutan, sampalan, iyakan, sigawan at ang walang humpay na hubaran at higit sa lahat, ang malinaw na mensahe. Sa panahong napakahalaga ng midyum ng pelikula upang hindi lamang ipakita ang nangyayari sa buhay kundi magbukas ng mga posibilidad na baguhin at mapaunlad ito, nakakabulag ang mga pelikulang tulad ng Shame na nagkukubli lang sa mga pahayag na makababae ngunit kumukontra naman sa higit na pagpapalaya ng mga kababaihan.

Direksiyon: Elwood Perez

Dulang Pampelikula: Iskho Lopez

Sinematograpiya: Gener Buenaseda

Musika: Jun Latonio

Editing: Rogelio Salvador

Disenyong Pamproduksiyon: Len Santos

Prodyuser: Regal Films


More Sine Nostalgia: Once Upon A Time 1986

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


October 29, 2007

Sine Nostalgia: Once Upon A Time 1986

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


ONCE UPON A TIME... May Isang Tikbalang

Ang pagkawala ng mahiwagang kristal na simbulo ng katahimikan sa mundo ng mga lamang lupa ang nagbunsod kay Puga (Dolphy), isang tikbalang na siyang nagbabantay dito upang maglakbay sa daigdig ng mga tao kung saan kanyang nakadaupang-palad ang mga Anatala na naghahanap din sa nawawalang kristal ngunit may higit na mahalagang pakay ito, ang kunin si Gwen (Janice de Belen) upang dalhin sa kanilang mundo. Napasakamay nina Rommel (Richard Gomez) ang kristal, kasama si Lally (Chuckie Dreyfuss), ang nakababata nitong kapatid at Benny (Anjo Yllana), itinawid sila ni Puga sa kanyang daigdig upang iligtas si Gwen sa mga Anatala na ang tanging mithiin ay buhayin sa katauhan nito ang kanilang Prinsesa. Dahilan sa ang pagpapakasal lamang ng Prinsesa kay Bakal (Joel Torre), Prinsipe ng mga Rebelde ang maaring magdulot ng katahimikan sa kanilang mundo. Lingid sa kaalaman nina Rommel, may natatangi silang kapangyarihang dulot ng Batas Ng Dapo na kanilang ginamit bilang panlaban sa mga Anatala. Maigting ang pagnanasa ni Reyna Kamkam (Gloria Romero) na mapasakamay niya ang mahiwagang kristal dahil nais nitong lipulin kanilang mundo. Sa pagsasanib ng mga taong dapo at mga Rebelde ay kanilang nalipol ang mga Anatala at nagtagumpay si Puga sa kanyang pakikipagtunggali laban sa makapangyarihang Panginoong Bangurngor (E.A. Rocha). Ninais ni Gwen ang manatili sa mundo ng mga lamang lupa at tuluyang nagbalik sa kanilang daigdig ang mga taong dapo.

Napapalooban ng naiibang tekstura ang Once Upon A Time (Regal Films, 1986) ni direktor Peque Gallaga. Dinala ng pelikula ang mga manonood sa isang mundong napapalibutan ng makulay na mga tauhan. Mula sa pangunahing karakter, si Puga, ang tikbalang na binigyang buhay ni Dolphy ay mabababanaag ang kakaibang uri ng pagganap na ipinamalas ng komedyante. Maalam ang pag-unawa nito sa hinihingi ng kanyang papel. Taliwas sa mga komedyang karaniwan nitong ginagampanan. Higit na kinakitaan ng husay si Dolphy sa tagpong pinapangibabawan ito ng Sumpa Ng Lagapak, mahaba at tuhog ang nabanggit na eksena ngunit hindi ito kinakitaan ng pagpapatawa sa paraang islapstik. Maging sa mga dramatikong tagpo ay lubhang napaka-epektibo nito. Kapuri-puri naman ang suporta nina Gloria Romero, Richard Gomez at Janice de Belen s kani-kanilang mga papel. Samantalang makikitang lubos ang kaalaman ng mga manliilikha ukol sa mito ng mga lamang lupa. Tunay na nakakaaliw ang iba't-ibang uri ng likhang tulad ng mga panikokak, na tila maliit na mga dinosaurs at may pakpak na siyang nagdadala ng mensahe ukol sa mga pangyayaring nagaganap sa paligid, maari rin silang gawing pagkain ng mga Anatala. Naisalarawan ng maayos ang lunan ng istorya dahil sa mahusay ang aspetong biswal ng Once Upon A Time. Mula sa sinematograpiya ni Eduardo Jacinto at disenyong pamproduksiyon ni Don Escudero. Angkop din ang musikang inilapat ni Jaime Fabregas. Ngunit lahat ng papuri ay nararapat ibigay kay Gallaga at sa katulong nitong si Lorenzo Reyes. Naging matagumpay ang pelikula sa pagdadala nito sa mga manood sa kabilang mundong ginagalawan ng mga lamang lupa sa pamamagitan ng mga kaaya-ayang tanawin at nakakaaliw na mga tagpo.

Direksiyon: Peque Gallaga At Lorenzo A. Reyes

Dulang Pampelikula: T.E. Pagaspas At Rosauro de la Cruz

Sinematograpiya: Eduardo F. Jacinto

Musika: Jaime Fabregas

Editing: Jesus M. Navarro

Disenyong Pamproduksiyon: Don Escudero

Prodyuser: Regal Films


More Sine Nostalgia: Stardoom 1971

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


October 22, 2007

Sine Nostalgia: Stardoom 1971

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


Mag- Ingat Sa Iyong Pagsikat... STARDOOM!

Isang tipikal na stage mother si Toyang (Lolita Rodriguez). Ibinubuhos nito ang lahat ng kanyang panahon at atensiyon sa anak na si Joey (Walter Navarro). Nariyang pabayaan ni Toyang si Emong (Mario O'Hara), ang panganay nitong anak. Namamasukan sa isang grocery si Emong. Minsang naabutan nito si Joey na kinukupit ang maliit na halagang naipon nito ay ginulpi nito ang kapatid at binugbog. Nang makita ni Toyang ang ginawa ni Emong sa nakababatang kapatid ay pinalayas nito ang anak. Sa paniniwalang magiging matagumpay na artista ang kanyang anak ay naglalagi ito sa mga studio ngunit madalas siyang tanggihan ng mga prodyuser hindi dahil sa hindi mahusay si Joey kundi dahilan sa labis na pakikialam ni Toyang. Dito nakilala ni Joey si Myra (Hilda Koronel), isang dalagang nangangarap maging isang artista ngunit higit na pinapahalagahan ang kanyang pag-aaral dahil nais nitong maging isang manunulat.

Dahil sa walang mangyari sa paglibot ni Toyang mga studio ay sinubukan naman nitong ilako ang kanyang anak sa telebisyon. Minsang naghihintay si Joey sa kanyang ina ay nakadaupang-palad niya si Nina Grande (Lotis Key), isang sikat na artista sa telebisyon. Nang makapasa si Joey sa audition ay kinuha itong maging palagiang mang-aawit sa Young Beat, isang palantuntunang pantelebisyon. Muling nanumbalik kay Toyang ang naudlot nitong pangarap na maging isang sikat na bituin. Unti- unting naabot ni Joey ang matagal nang pinapangarap. Pinagsabihan ito ni Nina na makakasira lamang ang kanyang ina sa kung kaya't nagsimulang mag-desisyong para sa kanyang sarili si Joey. Dahil sa madalas na pag-uwi ng gabi ni Joey ay kinagalitan ito ni Toyang at tuluyang pinalayas ng ina ang kanyang anak. Nakisama si Joey kay Raffy (Jimmy Morato), isang mayamang homoseksuwal na nakilala nito sa isang niteclub. Pinangakuan ni Raffy na kakausapin nito ang kanyang inang si Carlota Morales (Tita Munoz) na siyang magpo-prodyus ng unang pelikulang magtatampok kay Joey bilang isang artista. Mahilig sa lalaki ang ina ni Raffy at lubhang ikinasama ng kanyang loob nang makita nito si Joey sa silid ng sariling ina. Samantala, naiwang nag-iisa sa kanilang tahanan si Toyang. Inimbitahan siya ni Emong at ng kaibigang si Patchay (Caridad Sanchez) na sumama at sa kanila na ito manirahan. Napapansin naman ni Nina ang panlalamig ni Joey sa kanya at sinumabatan niya ito sa mga tulong na ginawa niya upang marating ni Joey ang tinatamasang kasikatan. Pinalayas ito ni Joey sa kanyang apartment at sinabihang bayad na siya sa lahat ng naitulong ni Nina sa kanya. Dumating ang gabing pinakahihintay ng lahat ang pagtatanghal ng kauna-unahang pelikula ni Joey na pinamagatang Stardom. Nagsisiksikan ang mga taong nais makapanood ng pelikula ng kanilang idolo. Naroon si Nina Grande at bilang ganti sa pagwawalang-bahala sa kanya ay binaril nito si Joey. Nasaksihan nina Toyang at Emong ang mga kaganapan sa telebisyon kaya't kapwa sila humangos sa pagamutan upang puntahan si Joey ngunit nasa malubhang kalagayan ang kanyang anak. Pinuntahan ng mag-inang Toyang at Emong ang sinehang pagtatanghalan ng pelikula ni Joey at sinabi nito sa ina na nagtagumpay din ito sa kanyang ambisyon dahil isang kapamilya ang naging artista sa pinilakang tabing.

Kakaiba ang Stardoom (LEA Productions, 1971) sa mga pelikulang likha ni Lino Brocka noong unang bahagi ng dekada '70. Maaring hindi ito kasing tapang ng Tubog Sa Ginto na ipinalabas din nang kasabay na taon ngunit dito tahasang binatikos ni Brocka ang sistemang lumalaganap sa hantarang paggamit ng mga kabataang nagnanais mag-artista. Ipinakita sa Stardoom ang pangarap ng bawat Pilipinong makaahon sa kahirapan at ang tanging paraan upang makamit ito ay sa pamamagitan ng pagpasok sa mundo ng pelikula. Malaki ang naitulong ng sensitibong pagganap ni Lolita Rodriguez bilang Toyang. Di rin malilimutan ang husay na ipinamalas nina Mario O'Hara sa papel ni Emong at Caridad Sanchez bilang Patchay. Sadyang malubhang sakit ng lipunan ang kahirapan at sa sumunod pang mga taon ay tinalakay ni Brocka ang suliraning ito sa mga obrang kanyang nilikha. Sa mga naunang pelikula ng direktor ay naipadama na nito ang kanyang simpatiya sa masang Pilipino. Hindi nakakapagtakang sa anggulong ito pumalaot ang mga sineng tatak-Brocka.

Istorya at Direksiyon: Lino Brocka

Dulang Pampelikula: Orlando R. Nadres

Sinematograpiya: Freddy Conde

Musika: Jose Mari Chan

Editing: Felizardo Santos

Prodyuser: LEA Productions


More Sine Nostalgia: Ibalik Ang Swerte 1981

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


October 15, 2007

Sine Nostalgia: Ibalik Ang Swerte 1981

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


Naniniwala Ka Ba Sa SWERTI?

Karaniwan sa Pelikulang Pilipino ang paglikha ng isang uri ng sineng ang tanging hangarin ay makapagbigay lamang ng panandaliang aliw sa mga manonood. Sa mga pelikulang tulad ng Waray-Waray (LVN Pictures,1954 ) napanood natin ang pagsasama ng mga aspetong komedya at musikal. Matagumpay na binuhay ni direktor Maryo J. de los Reyes ang ganyang uri ng pelikula sa Annie Batungbakal (NV Productions, 1979), Bongga Ka 'Day! (Associated Entertainment Corporation, 1980) at Ibalik Ang Swerti! (NV Productions, 1981). Halaw ang pamagat ng pelikula sa isang pamosong linyang pinasikat ni Estong sa isang pantelebisyong komersiyal para sa Interbank.

Ang Ibalik Ang Swerti ay patungkol sa magkaibigang Becky (Nora Aunor) at Jojie (Louella) na kapwa nagtatrabaho bilang bank teller. Nang mapagnakawan ang bangko na kanilang pinapasukan, napagdesisyunan ng dalawa na sila ang huhuli sa magnanakaw, sa dahilang nais nilang bumalik ang suwerteng nawala sa kanila. Tulad ng sinabi ni Becky, nanakawan nila ang magnanakaw. Lingid sa kanilang kaalaman, kinuha ni Diosdado Padilla kanilang Bank Manager (Johnny Wilson) ang serbisyo ng mga Private Detectives na sina Abanya at Legarda (The Reycards) upang imbestigahan ang naganap na nakawan sa kanilang bangko. Sa paulit-ulit na pagtatagpo ng kanilang mga landas, napagdesisyunan ng apat na pagtulungan na lamang nila upang mahuli ang magnanakaw na si Nunal. Nariyan ang pumasok sila bilang mga stage performers sa Cine Suerte kung saan unang nakadaupang-palad ni Becky ang magnanakaw. Sa gitna ng mga pangyayaring pumapaimbulog sa kuwento ng Ibalik Ang Swerti! ay ang masasayang tagpo ng awitan at sayawan na kung bibigyang pansin ay may kinalaman sa bawat temang nais tahakin ng kuwento nina Jake Tordesillas at Ipe Pelino.

Malaki ang naging ambag ng direktor na si Maryo J. de los Reyes sa tagumpay ng pelikula bilang isang komedya. Sa tulong ng masusing edting ni Edgardo Vinarao naging eksakto ang timpla ng mga nakakatuwang eksena. Ngunit ang nagbigay ng pinakamalaking kontribusyon sa Ibalik Ang Swerti! ay ang pagsasama nina Nora Aunor at Louella bilang Becky at Jojie. Kapansin-pansin ang bigayan ng dalawa sa bawat nakakatuwang sitwasyong kanilang kinapapalooban. Marami ang nagsasabing ang talento ni Nora sa komedya ang malaking pagkakaiba nito sa karibal na si Vilma Santos. Marahil ay naging malaking tulong ang mga pagkakataong nakatrabaho ni Nora ang ilan sa mga institusyon sa paglikha ng pelikulang komedya tulad nina F.H. Constantino (Relaks Lang Mama... Sagot Kita! LEA Productions, 1976), Ading Fernando (Kaming Matatapang Ang Apog! RVQ Productions, 1975) at Luciano B. Carlos (Batu-Bato Sa Langit (NV Productions, 1975) na humubog ng kanyang kahusayan sa komedya. Hindi nakakagulat na maari din itong makipagsabayan kay Vilma pagdating sa pagsasayaw na nakita natin sa mga naunang pelikulang pinagsamahan nila ni Maryo J. de los Reyes. Hindi rin matatawaran ang ipinamalas na galing sa pagpapatawa nina Louella at ng magkapatid na Reycards. Pinaghalong komedya at musikal... tunay na nakakaaliw at nakakabaliw ang Ibalik Ang Swerti!

Direksiyon: Maryo J. de los Reyes

Dulang Pampelikula: Jake Tordesillas At Ipe Pelino

Sinematograpiya: Jose Batac, Jr.

Musika: Hotdog

Editing: Edgardo Vinarao

Disenyong Pamproduksiyon: Fiel Zabat

Prodyuser: NV Productions


More Sine Nostalgia: Burgis 1981

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


October 08, 2007

Sine Nostalgia: Burgis 1981

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


BURGIS Ka Pala!

Matapos mapatalsik sa pinapasukang kolehiyo si Juni Locsin (Gabby Concepcion) ay napilitan itong ipagpatuloy ang pag-aaral sa Eastern College Of The Republic, isang pangkaraniwang unibersidad. Taliwas ito sa kinagisnang buhay ng binatang sanay sa marangyang kapaligiran. Dito uminog ang naratibo ng Burigis (Four Seasons Films, International, 1981) ni direktor Lino Brocka. Unti-unting nakuha ni Juni ang tiwala at pakikipag-kaibigan ng mga kamag-aral dahil sa nakaaangat sa buhay, kadalasa'y niyaya nito at inililibre ang mga bagong kabarkada. Natitipuhan ni Juni si Nedy (Amy Austria) isang kaklase ngunit binabalewala ng dalaga ang binata. Upang pagselosin, madalas banggitin ni Juni si Sheryl (Isabel Rivas) ang katipang kadarating lamang mula sa Amerika. Kinaiinisan si Juni ng pangkat ni Bogart (Rez Cortez) at kadalasa'y ginagawan nila ito ng kung anu-anong kalokohan. Nariyang tanggalan ng gulong ang kotse ni Juni at lagyan ito ng graffiti. Minsan ay nagtangkang labanan ni Juni si Bogart ngunit hindi ito nagtagumpay bangkus ay nabugbog pa ito at ang kanyang mga kasamahan. Sa pagnanasang makapaghiganti sa kahihiyang sinapit ay napagdesisyunan nitong muling harapin at labanan si Bogart. Dahil sa labis na problemang ibinibigay ni Juni sa mga magulang ay ipapadala ng mga ito kanilang anak sa Amerika upang doon ipagpatuloy ang pag-aaral. Dahil sa napipintong pag-alis ay naghanda si Sheryl ng isang pagtitipon kung saan inimbita nito ang mga kabarkada ni Juni sa kolehiyo at ang mayayamang kaibigan nito sa isang resort. Nagkaroon ng di pagkakaunawan sa pagitan nina Sheryl at Nedy na naging dahilan upang mag-away ang dalawa. Pinagsabihan ni Juni ang mga ito na lubhang ikinasama ng loob ni Nedy at mga kaklase nito. Upang muling manumbalik ang dating pagtitinginan ay tinulungan ni Juni si Nedy upang manalo ito bilang Miss Business Administration ng kolehiyo.

Masasabing malayo ang tema ng Burgis sa nakasanayan nang uri ng sineng likha ni Brocka. Ang isyu sa pagitan ng mayaman at mahirap ay hindi gaanong nabigyang pansin ng dulang pampelikula ni Jose Dalisay, Jr. Kulang ito sa mga tagpong magbibigay ng esensiya sa pagkakaiba ng mga ito. Hindi sapat ang pagpapakita ng mga eksenang dinadala ni Juni ang kanyang barkada sa mala-palasyo nitong tahanan at aanyayahing manood ng betamax. O di kaya'y ang paglilibre nito sa mga kaibigan at ang paggamit ng credit card upang maisalarawan ang pagkakaiba ng kanilang katayuan sa lipunan. Moderno ang lenguwahe ng mga kabataan sa pelikulang ito na siyang nagpahayag ng kanilang reyalidad. Ngunit sa panlabas na anyo ng urbanidad at sa kasamang pagkaprogresibo sa pananaw ng mundo, nananig pa rin sa lipunang Pilipino ang ideyolohiyang makakalaki sa mga larangang mahalaga sa isang kultura. Tila walang mapagpalayang pag-uusisa ang pelikula sa mga pagtatakda ng kaayusang ito at kung mayroon man, nababalewala ang paraan ng paglutas sa mga tunggaliang ipinakita sa loob ng naratibo. Tunay namang mahirap na paksa ang relasyong pantao ngunit alanganin ang posisyong pinipili ng pelikulang Burgis kung mayroon man. Nakanal din ito sa de-kahong pagsasalarawan ng mga mayayaman. Tulad din ng dati, katatawanang karikatura ang inilalabas sa pelikula samanatalang isang seryosong tanong sa hanay ng kabataan ang pagsaksi kundi man pagdanas sa penomenon ng mga nakakariwasa.

Direksiyon: Lino Brocka

Dulang Pampelikula: Jose Dalisay, Jr.

Sinematograpiya: Conrado Baltazar

Musika: Rey Valera

Editing: Augusto Salvador

Disenyong Pamproduksiyon: Joey Luna

Prodyuser: Four Seasons Fims, International


More Sine Nostalgia: Manila By Night 1980

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,




The Latest Features & Headlines
Don't ever miss a post and be on top of the latest features and headlines:
Get All That Nostalgia Manila Goodness! Get a Nostalgia Manila Email Subscription today and enjoy all the benefits of this wondeful service. Today, if subscribers want to read / view / watch syndicated online content, they typically have to go to where the content is hosted, or know how to subscribe to the feed and consume the content within an aggregator or reader (e.g. MyYahoo!, FeedDemon, ect.). With a Nostalgia Manila Email Subscription, you will receive all that Nostalgia Manila goodness straight to your inbox, similar to an e-newsletter. This is delivered to you in easy-to-read, plain text or HTML email containing the latest Nostalgia Manila posts. What are you waiting for? Sign Up for a Nostalgia Manila Email Subscription today!

Let everyone know you have Nostalgia Fever!
Nostalgia Fever is quite a contagious thing, and the best way to spread it is to add this cute chicklet to your site. It's real easy! All you have to do is copy and paste the HTML code below (make sure you copy the entire code), add it to your own page, and you're done! Show your love for Nostalgia Manila and spread Nostalgia Fever today!