Sine Nostalgia: Shame 1983
Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.
SHAME... Dapat Bang Ikahiya?
Nang ipalabas ang Shame (Regal Films, 1983) , marami ang nagulat sa handog na ito ni Elwood Perez. Taglay ng pelikula ang mga di-mapagpalayang imahen ng kababaihan tulad ni Charley (Claudia Zobel), na naging panggulo sa buhay ng mga lalaki at sa nanahimik na relasyon ng mag-amang Berting (Robert Arevalo) at Nonoy (Patrick de la Rosa) pati ang katawa-tawang pa-intelektuwal ni Dickie (Dexter Doria) ang nahuhumaling na direktor at nagkalinga kay Charley. Bagamat nakasentro ang dulang pampelikula ni Iskho Lopez sa animo boluntaryong pagkilos ni Charley, ang pag-usad ng kuwento ay mahigpit pa ring nakakawing sa mga motibasyong pang-lalaki at maka-lalaki. Pangunahin dito ang panata ni Berting sa pagganap bilang Kristo sa taunang pagtatanghal ng senakulo at ang pagkawasak ng kanyang mga pangarap para sa anak na si Nonoy. Kaakibat nito ang pagsibol ng pagkalalaki ni Nonoy, ang kanyang pakikipagsapalaran sa lungsod, pagmamahal at pagkabigo kay Charley.
Sumusunod ang lente ng kamera sa bawat pitik, galaw ng katawan at mukha ni Claudia Zobel pati na rin ang kanyang mga nakakasalamuha habang ginagaygay nito ang pasikut-sikot ng baryo. Kumunoy ng trahedya ang situwasyon ni Charley lalo pa't tila wala siya ni katiting na kamalayan sa kinalulubugan. Sayang at hindi napangatawanan ng palabas na ito ang diskurso ng naratibo. Mapapansin na pagkatapos maipundar ang milyu, hindi na alam ng direktor kung paano paandarin ang istorya. Sapat nang ipasubo ang bida sa mga kung-anu-anong situwasyong nangangailangan ng paghuhubad. Ngunit maliban sa pagtukoy ng kahinaang ito na siya naman talagang bumalda sa Shame, ibaling na lang natin ang ating pansin sa makapal na tekstura ng pelikulang napapalooban ng mga nakalilibang na sangkap tulad ng maingay na sabunutan, sampalan, iyakan, sigawan at ang walang humpay na hubaran at higit sa lahat, ang malinaw na mensahe. Sa panahong napakahalaga ng midyum ng pelikula upang hindi lamang ipakita ang nangyayari sa buhay kundi magbukas ng mga posibilidad na baguhin at mapaunlad ito, nakakabulag ang mga pelikulang tulad ng Shame na nagkukubli lang sa mga pahayag na makababae ngunit kumukontra naman sa higit na pagpapalaya ng mga kababaihan.
Direksiyon: Elwood Perez
Dulang Pampelikula: Iskho Lopez
Sinematograpiya: Gener Buenaseda
Musika: Jun Latonio
Editing: Rogelio Salvador
Disenyong Pamproduksiyon: Len Santos
Prodyuser: Regal Films
More Sine Nostalgia: Once Upon A Time 1986
Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.
Technorati Tags:70s, 80s, film, movies, nostalgia
No comments:
Post a Comment