Sine Nostalgia: Bilibid Boys 1981
Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.
Huwag Pamarisan: BILIBID BOYS
Sa unang panonood pa lamang ng Bilibid Boys (Regal Films, 1981), madali nang malaman ang pakay at hangad ng ganitong uri ng pelikula. Payak lamang ang nais itumbok ng Bilibid Boys at siyempre pa bukod sa walang patumanggang bakbakan, suntukan, habulan at patayan, hinaluan din ito ng kung anu-anong sangkap tulad ng iyakan, sigawan, konting seks at pagpapatawa upang ikasiya ng manonood nito. At bakit nga hindi kung pakakaisiping ang tinatalakay ng pelikula ay kasaysayan ng mga kabataang naligaw ng landas dala ng panggrupong impluwensiya. Sa bandang ito, naiiba ang pelikula dahil walang iisang protagonista, hati-hati ang maraming tauhan sa daloy ng naratibo na pinag-isa ng tema. Dahil payak lamang ang nais ipahatid at aliw ang pangunahing layon nito, pinalabas ng pelikula na isang simpleng di pagkakaunawaan lamang sa pagitan nina Don (Jimi Melendez) at Arnold (Allan Valenzuela) ang naging puno't dulo ng kaguluhang kinsangkutan ng mga kaibigan nitong sina Andong (Al Tantay), Noel (Mark Gil), Steve (Alfie Anido), Butch (Gabby Concepcion), Luga (William Martinez) at Caloy (Choy Acuna). Pinalabas ng pelikula ang salimuot ng karanasang pinagdaanan ng mga kabataang ito sa loob ng bilangguan. Ang hindi tinlakay sa Bilibid Boys ay ang ilang mahahalagang bagay ukol sa kalagayang panlipunang higit ang kinalaman sa mga isyung inihain ng pelikula.
Tunay, binibigyang atensiyon ng Bilibid Boys ang mga kabataan kahit sa pana-panahon lamang. Pagsunod lamang ito sa diumano'y tiyak na pagsamba ng lipunan sa mga matipuno, walang kulubot at ubang kabataan. Ganito man ang inaakala at inaasahang pangunahing dahilan sa paglikha ng mga obrang ito, naglalantad pa rin ang pelikula ng mga kahulugan at pagbasa ukol sa kabataan. Kinakitaan ito ng mga kontemporaryong larawan kundi man ng pagbabago o di pagbabago sa halagahan ng lipunang Pilipino. Moderno ang lengguwahe ng mga kabataan sa pelikulang ito na siyang nagpapahayag ng kanilang reyalidad. Maging ang kanilang pagbibihis ay umaagapay sa subkulturang nagtuturing sa moda bilang pasaporte sa paglahok sa mga gawain ng partikular na grupong nais kabilangan. Bago matapos ang pelikula, mapapatay si Luga gawa ng pananambang ng mga kasamahan ng katunggaling grupo. Ganoon din naman si Caloy, mapapaslang ito upang mapaghigantihan ang ang umutas sa buhay ni Luga. Sinubok ng Bilibid Boys na kumawala sa lumang etikang nakabatay sa pagsasalarawan at pag-unawa sa mga kabataan. Naroon pa rin ang paniniwalang wala silang muwang sa pagharap sa hamon ng lipunan ngunit sa dakong huli'y nabigyan din ng pagkakataong magpasiya upang matagpuan ang lagay sa lipunang patuloy na nagbabago.
Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Deo Fajardo, Jr.
Sinematograpiya: Sergio Lobo
Musika: The Vanishing Tribe
Editing: Augusto Salvador
Disenyong Pamproduksiyon: Peque Gallaga
Prodyuser: Regal Films
More Sine Nostalgia: Atsay 1978
Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.
Technorati Tags:70s, 80s, film, movies, nostalgia
No comments:
Post a Comment