September 20, 2006

Forgotten Wonders Of The PLDT Rotary Phone

"Partyline paki baba nga yung telepono, kanina ka pa!" Napakalayo na talaga ng narating ng technology ano? Marami na sa atin ang nakalimot sa buhay natin noon: bago pa magka-cell phone, bago pa magka-internet, bago pa magka-answering machine, bago pa magka-Pocket Bell, bago pa magkaroon ng push button telephone, meron tayong rotary phone! "Rotary ano? Rotary Club?" Hindi Rotary Club! Rotary Phone! Kahit wala lahat yun mga ibang gamit na binanggit ko, nabuhay tayo lahat. Kahit na may pagka primitive ang tinggin ng iba sa buhay natin noon, lagi kang napapangiti o natatawa sa mga alaala. After all, marami kang memories na kasama ang telepono mula nung bata ka pa, hanggang sa iyong paglaki. Heto at bumalik tayo sa mas simpleng panahon.


Standard model ng rotary phone. Ito ang telephone mo sa bahay.

MORTAL ENEMY MONG PARTYLINE
Halos lahat tayo meron nito. Limitado ang analog lines ng PLDT noong araw at minsan nag-papatong-patong ang mga linya. Gusto mo mang gamitin ang telepono, pero laging nasa kabilang linya ang partyline at parang hindi siya nauubusan ng kwento dahil lagi niyang ginagamit ang linya. Kaaway ng buong pamilya mo itong hinayupak na to na mahilig mag-telebabad na ayaw magpatawad.

Araw at gabi, laging pinagaawayan ang linya. May mga partyline na mapag-bigay na ibababa ang telepono pagmatapos sila makipag chismisan, pero maroon yung mga hindi talaga nagpapatalo. Patayan para sa paggamit ng linya? Minsan! May mga kwento-kwento tungkol sa mga barako na nag-hamunan para magkita, at nag gulpihan dahil sa pangaabuso ng linya. "Sus mariyosep naman talaga ano?"

Typical partyline memory ng karamihan sa atin: Ang sarap ng siyesta mo maghapon, hanggang nagising ka sa sigawan na galing sa sala. Ayun! Yung nanay o tita mong mainit ang ulo ay nakikipagsagupaan sa partyline para gamiting ang telepono at minsan ang sagutan ay halos isang oras! Matapos ang sagutan ay may kasunod na malakas na pag-BANG ng receiver. Kaya naman siguro mabibigat at matitibay ang mga telepono noon para hindi madaling masira. Isipin mo kung ilan taon bago pinalitan and inyong phone? Matagal rin diba? Minsan lang dumalaw ang PLDT para mag-service, pero yung black ninyong telepono ay hindi nasisira; mas lalo na yung mas luma pang telepono sa bahay ng lola at lolo mo. Halos panahon pa ng Hapon yung telepono nila.


Telepono sa bahay ng lolo at lola mo. Tiyak na mas lumang model, "Panahon pa ng Hapon!" Mas mabigat dahil maraming metal at heavy moulded plastic parts; halos 1.5 lbs ang bigat ng handset, pero napaka tibay! Hindi nasisira kahit ilang bagsakan ng handset.

ANG CROSSLINE
Bago pa ang Instant Messenger, Net Meeting, Mirc, bago pa ang chat, bago pa nagka personal computer sa bahay ninyo, wala pang three-way calling, mayroon isang paraan para magkausap ang maraming tao na sabay sabay. Pero hindi ito alam ng marami at kakaunti lang ang gumagawa nito. Pag bakasyon sa summer mahahaba ang araw at lagi kang nag hahanap ng libangan. Minsan nadiskubre mo na pag marami kang na-dial na numero na sunod-sunod ng mabilis, bigla ka na lang makakapasok sa isang linya na maraming tao ang nag-uusap na SABAY-SABAY! Minsan tatlong tao, minsan walo pa nga! Bilib ka sa mga tao na gumagamit nito dahil kahit sabay-sabay silang naguusap, nagkakaintindihan sila at meron pa silang sariling crossline lingo, parang sa CB o radio. Maa-access mo rin ito pag ginamit mo yung plunge button, o clicker na parang morse code. Ika nga, parang early day hacking ano? Nakakatuwang isipin na bago pa magka-chat, eh meron nang crossline community.


"Ms. Landrito, please ask Mr. Asuncion wat time he would like tu hab our berry important meeting please." More stylish white phone. Minsan off white, cream o beige. Usually nakikita mong ginagamit sa mga opisina.


SI ROMEO EN JULIET NAGKAKILALA BILANG PHONEPAL
Ilang beses kang nakasagot ng tawag at ang greeting sa iyo ay:

"Hello? Hello? A... pwedeng makipag phonepal?"

Minsan tumambay ka sa may tabi ng sari-sari store, at nakita mo yung nagbabantay na abalang-abala sa pagsulat ng love letter. Tinanung mo kung sino ang sinusulatan niya habang umiinom ka ng malamig na Coke solo. "Sa penpal ko sa Maccao." Nahanap niya ang kanyang penpal sa isang ad na naka-imprenta sa Song Hits. Maraming kinasal sa penpal, pero marami din ang nag-sama dahil sa phonepal. Mas mabilis nga naman kasi ang resulta kung ikukumpira sa penpal. Isipin mo, pwede kang tumawag ng kahit anong ranom na numero tapos kung nagustuhan mo ang boses, tanungin mo kung gusto niya makipag-kwentuhan. Kung ayaw nila, eh di tawag ulit!


"Room service please!" Heto ang nakikita mo sa mga magagandang hotel.


MGA KWENTO MULA SA ATING MGA TAGAPAGBASA
Marami kang matatandaan na nakakatuwang kwento o misadventures with your telephone noong araw. Mag-email ka sa akin para mabasa ng marami at masiyahan sa iyong matamis o mapait na alaala.

Gumagamit ako noon ng crossline! Tama ka at merong special codes at language na parang radyo. May kanyakanya kaming mga handle para alam namin kung sino ang kinakausap namin. pagmadalas ka sa crossline nabobosesan mo yung mga tao at nakikilala mo sila lahat.
Maraming salamat.
--Rudy--


Minsan nagka phonepal ako noon. Galing raw siya sa Baguio so long distance ang kanyang mga tawag pero lagi siya ang tumatawag sa akin. Hindi ko naisip na hingiin sa kanya ang kanyang number. Mga tatlong buwan mahigit kaming nagusap pero bigla na lang siya hindi tumawag. Nalungkot ako at hindi malaman ng mga kaibigan ko kung bakit. 30 years later, may asawa na ako at pamilya pero hindi ko pa rin malimutan ang aking naging phonepal na taga Baguio.
--Rosemarie--

Teenager ako noon sa probinsya at nilalakad ko ang kabilang bario para makigamit ng telepono. Isang bahay lang sa buong bario ang may telepono. Yung telepono nila ginawa nilang business at nilagay nila sa harap ng kanilang tindahan, piso bawat limang minuto. Laging puno ang harap ng tindahan nila at lahat naghihintay para gamitin ang telepono. Kaya naman naisipan ng pamilya magbenta ng barbecue sa may tabi ng tindahan para ibenta sa mga taong naghihintay. Panay tawag ko noon sa mga pinsan ko sa Baclaran tuwing linggo. Ngayon nandito na ako sa Maynila at namamasukan sa isang call center bilang isang call operator. Malaking parte ng buhay ko ang telepono.
--Miguel--


For more nostalgia, read: NOSTALGIA LIST #01



Technorati Tags:, ,
Notstalgia Manila

32 comments:

Me said...

Isa na namang 'kalupitan' to!!!

Naaalala ko rin nun nung me party line pa ang mga telepono. Kung me party line ka, di ka sosy!

Pero, kung taga-Maynila ka at wala kang telepono, feeling mo dukha ka! Pupunta ka pa sa kanto para tumawag sa ga-higanteng pay phone na pula!

Lupit ng site na to talaga!

zingiber said...

hahaha.

Evolution: With the text messaging craze in the Philippines, you receive but a few,

"Pwede ka ba maging textmate?"

Technology has changed but ways have not. nyahahahaha.

Anonymous said...

Way too funny!!!

Are we that old???

Coolest blog!!! Keep on!!!

Toto Gonzalez :D

Anonymous said...

kasabay din nito yung six-digit na phone numbers.

at bakit "textmate" ang gamit ngayon eh phonepal at penpal dati. di ba dapat "textpal"? hehe

Anonymous said...

Nakakatuwa naman ito. Many good memories about this phone. Sa kakaibang bigat, dapat ma-classify as a dangerous weapon hehehe

batjay said...

dati rin akong sumasali sa crossline - naalala ko, ang pinaka active na oras ay after 12 midnight.

medyo nakakalito sa una dahil para kang nakarinig ng isang libong palaka na sabay sabay mag "KOKAK".

Anonymous said...

paano kaya kung ganito magtext ano?... bulok pa ang serbisyo ng PLDT nun at ang mahal dahil monopolized kaya considered luxury ang magkaroon ng telepono... tama ba?..

Anonymous said...

majupet jupet to! :)

na-dedepress na tuloy ako dahil ibig sabihin matanda narin ako dahil na-aalala ko pa nung may party line sa telepono.

im really glad i stumbled upon your site. galing sobra! :) keep 'em coming!

AlexG said...

Naalala ko nun dito sa probinsya namin, iilan lang may telepono, apat na digits lang numero, mayabang ako, dinadala ko mga kaklase ko sa bahay at tatawagan namin yung crush naming girl na kaklase din..

Abner M. Hornedo, M.D. said...

I spent hours reading your blog! Keep it coming!!!!

Makes me feel young again!

amhornedomd

Anonymous said...

grabe...got me teary eyed sa kakatawa! over ang site na 'to...way too cool!!! hahaha
thanks for making me feel like a teenager again and for bringing me home...see? naiiyak na 'ko...
keep it up...maybe i don't need to buy SK2s anymore to make me look younger, your site is enough to do the trick!

wanted to share a story about this rotary phone...
when i joined jwt manila way back in '88, i remember our regional IT director grabbing d rotary black phone sitting on my desk and putting it in his bag saying..."this belongs to the museum"...tapos he saw d underwood typewriter of remy, kinuha din niya... :) grabe...almost 20 years na yun!

Anonymous said...

back to da days na grade 1 pa ako....meron na akong ponpal!5 lang kami na may telephone sa subdivision
namin. limited lang ang linya. party line namin kapitbahay ra namin.

noon kung may telepone ka! mayaman kana. number namin noon 21674.

"sa iligan tawag sa rotary crossbar"

by da way im from iligan lanao del norte mindanao Philippines

smooth operator

Anonymous said...

we also used to have those.. uh... what do call them? mouthpiece deodorizers? say nyo?

then when the push button dials were invented, it went "CHAKAK, CHAKAK, CHAKAK!" when you dial. tunog ng mga sinaunang adding machines!

Unknown said...

minsan naman nakalimutan ibaba mabuti ng kabilang line, patay kang bata ka. nakahang na ng buong araw ang phone mo hanggang angatin uli ng kabilang line.

naalala ko tuloy yung mga tatawagan namin at hihiritan ng "hello, pwede makipag-phonepal?" pag boses dalaga ang sumasagot. ahay!! ahaha.

nena said...

oo paryline at crossline paginaangat ko black phone ko puro
karerista puro name ng kabayo atnumbers palage ko nadidineg
high school ako nyan ha!
meron din akong nameet naisang phonepal di kosya type heheh!srap balikan noh! ayos tlga tong nostalgia

nena said...

kya nga sumikat yung kanta ng BOYFRIEND title phonepal hehehe
kakamiss noh!! telephone na
palaging pinapaayos sa pldt bakit nga ba noh..dhil nwwala ang line
hehehhheheh.

Anonymous said...

Great blog! I'm so glad I stumbled upon your site. Bring back fond memories. Hahaha...Grabe! I am that old!

I was born in the 70s and learned about life in the 80s. So your site really does make me super senti!

Keep up the great work. :o)

Nostalgia Manila said...

anonymous,

Do share Nostalgia Manila with all your friends and family! Thanks very much for your continued support!

Amy Raneses said...

let's not limit it to home phone..isama narin natin ang RED na PAYPHONE...

3 bente sinco lang ang kailangan....:D

Anonymous said...

Hindi ko na naabutan ang party line, wala pa yata kaming phone nun' I really like your blog, hope you don't mind if I link you up.. keep it up!

Nostalgia Manila said...

to emmyrose,

You're more than welcome to link up. Everyone is welcome to LINK UP to Nostalgia Manila. Better yet, scroll down the page, copy & paste the HTML code from the text box below and add the Nostalgia Manila Chicklet to your site! ;)

Maraming salamat po!

Unknown said...

Mahirap minsan pag may party line, you could be talking on the phone tapos biglang papasok yung party line "Uh pwede paki-baba? May tatawagan lang ako!" Tapos sasabihin ko "Okey, sandali na lang to!" tapos mamaya-maya i-a-angat nanaman nung party line "Hindi pa ba tapos? May tatawagan lang talaga ako, importante lang to no?"

Nostalgia Manila said...

Vince,

Naalala ko isang araw pagkauwi ko galing iskwela, dumaan ako sa tindahan na malapit sa bahay namin para bumili ng meryenda. Napansin ko na may mga pulis at Baranggay Tanod na nakapaligid sa isang bahay na katapat ng sari-sari store. Maraming tao ang nanunuod, akala ng marami shooting!

Matapos ng isang minuto, lumabas ang mga pulis sa gate ng isang malaking compound at may hawak silang isang barako na walang t-shirt na suot at naka maong lang, at nagsisisigaw. Ininom ko ang aking malamig at matamis na Mellow Yellow habang pinanuod kong arestuhin ang barako at pinasak siya sa isang tamaraw na sasakyan.

Sa unang kagat ng aking hopia, lumabas naman ang isang malaking mukhang matrona na nagsisisigaw din, at muntik nang sampalin ang Barangay Tanod sa kanyang galit.

"Bakit ang tagal ninyo?!!!!" Sabi ng matabang ale. "Eh kung pinatay ako ng gagong yun?! Siya ang party line hindi ako! Nagbabayad ako sa PLDT at pwede akong makipagusap hanggang kailan ko gusto!!!!!"

Lumapit ang kanyang chimay para bumili ng isang bareta ng Superwheel sa tindahan. "Naku, dios ko po!"... sabi ng chimay, "Buti na lang at nadamput yung partyline namin, kundi patay na siguro si ate!"

Naghamunan ang dalawang magpartyline at muntik na magpatayan. Hahaha! Classic! One of the many bizzare events that I myself witnessed during my childhood! ;)

--NM

Anonymous said...

Nakakatawa naman yung kwento ni NM. Slice of Life talaga! Kami rin, yung party line eh inaway yung parents ko quese bastos raw ang mga gumagamit ng phone sa amin dahil puros k*k* raw ang naririnig nila. Hahaha! Halatang nakikinig lagi!
O eto naman, naaalala nyo nung may damit pa yung mga telepono sa bahay? Kais uso rin nun na may "outfit" yung telepono nyo with matching padded patungan. atsaka yung rest para sa receiver na tumutunog para habang naghihintay yung caller eh naaaliw naman sya sa music. LUPeeet!!

Anonymous said...

bukod sa deodorizer (na malamang eh toxic), dinadamitan pa ang telepono. may tela na patungan, may nakabalot sa mismong telepono at sa hinahawakan mong ear/mouthpiece...ano nga ba tawag sa mga parts ng telepono?

Anonymous said...

Sa ganyang phone ko niligawan ang misis ko, wala pa kasing text at cell phone way back in 1987

Anonymous said...

Naalala ko nung bata pa ako nung nagkaroon kami ng phone.

Inutusan ako ng nanay ko sa tindahan pag uwi ko nag ring ang telepono at ang pagsagot ko
"hello..pabili nga"

nge, corny pero totoo!

DisgruntledHouseband said...

Ang tanda ko noon Crossline.... :)

Jaja said...

wahehehe "babae babae dial mo number na to" "tarugo tawagan mo ako" "wag si bebot ako kausapin mo" haaays!

Those were the days! kamusta na kaya si Tarugo? hehehehe

mydvinecebu said...

Nostalgic talaga!
Parati naming ginagawa yung ihuhulog mo ng PERFECT na magkasunod na ten centavo coins para instead na tatlo, pwede ka ng makatawag using bente sentimos lang! Doing it parati becomes a skill already.
Nakakamiss yung mga araw na iyon.

ChecheBureche said...

Just came across your blog and I'm very thankful that I did! I'm still left behind in the 70's - 80's era. Your blog brings back the best memories that I have in my life. Please continue updating and uploading "nostalgic" stuffs in your site. Godbless!

Anonymous said...

my gosh! nakakatuwang balikan ang nakaraan...na adik din ako sa crossline noon...at di ko malimutan first time na eyeball ko sa grand central tinakbuhan namin ng kasama ko hahahaha...those were the days :)



The Latest Features & Headlines
Don't ever miss a post and be on top of the latest features and headlines:
Get All That Nostalgia Manila Goodness! Get a Nostalgia Manila Email Subscription today and enjoy all the benefits of this wondeful service. Today, if subscribers want to read / view / watch syndicated online content, they typically have to go to where the content is hosted, or know how to subscribe to the feed and consume the content within an aggregator or reader (e.g. MyYahoo!, FeedDemon, ect.). With a Nostalgia Manila Email Subscription, you will receive all that Nostalgia Manila goodness straight to your inbox, similar to an e-newsletter. This is delivered to you in easy-to-read, plain text or HTML email containing the latest Nostalgia Manila posts. What are you waiting for? Sign Up for a Nostalgia Manila Email Subscription today!

Let everyone know you have Nostalgia Fever!
Nostalgia Fever is quite a contagious thing, and the best way to spread it is to add this cute chicklet to your site. It's real easy! All you have to do is copy and paste the HTML code below (make sure you copy the entire code), add it to your own page, and you're done! Show your love for Nostalgia Manila and spread Nostalgia Fever today!