Sine Nostalgia: Experience 1984
Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.
EXPERIENCE... Isang Karanasang Di Malilimutan
Masasabing gasgas na ang paksang tinatalakay ng Experience (Regal Films) ngunit hindi pa rin ito marahil mawawala sa talaan ng matitinong pelikula ng taong 1984. Tungkol ito kina Jing-Jing (Snooky) at Froilan (Miguel Rodriguez), mga artistang hindi lamang sa harap ng kamera magkasintahan kundi maging sa likod nito. Kadalasa'y inuulan ang dalawa ng iba't-ibang intrigang gawa-gawa ng midya upang mapag-usapan ang kanilang ipapalabas na pelikula. Nariyang isulat na may namumuong relasyon diumano sa pagitan nina Froilan at sa aktres na si Marita Ayala (Bobbi Mercado). Hindi man aminin ni Jing-Jing ay naapektuhan din ito ng mga artikulong kanyang nababasa at balitang napapanood sa telebisyon. Higit na umigting ang tensiyon sa pagitan ng dalawa nang matuklasan ni Jing-Jing na makakasama nila si Marita sa susunod nilang gagawing pelikula. Samantala, natuklasan ni Jing-Jing na may isang misteryosong tagahangang sumusunod kahit saan ito magpunta. Nagpakilala ang lalaki bilang Rodrigo Blanco (Samuel Valero). Di nagtagal, napag-alaman ni Jing-Jing na kapatid nito ang lalaking gumurlis sa kanyang mukha noong siya ay bata pa. Gayunpaman, lingid sa kaalaman ni Jing-Jing ang pakay na paghihiganti ni Rodrigo. Isinakatuparan niya ito isang gabi nang matagpuang patay ni Jing-Jing si Tita Felisa (Estrella Kuenzler) at ang kanyang alalay. Dala ng matinding takot ay umuwi ito sa pag-aakalang hindi siya masusundan, ngunit natunton din siya ni Rodrigo. Nagtangkang tumakas si Jing-Jing at nagdudumali itong sumakay ng kotse subalit naabutan siya ni Rodrigo dahil lumundag ito sa harapan ng kanyang sasakyan at nang malaglag ay paulit-ulit itong sinagasaan hanggang sa mamatay.
Inilantad ng pelikula ang masalimuot na mundo ng industriya ng pelikulang sinisira ang personal na buhay ng mga artista. Mapangahas nitong tinalakay kung paano inaabuso ang artista ng mga taong nakapaligid sa kanila. Sa ganitong konteksto itinampok ang doble-karang mukha ng oportunistang midya. Itinanghal nito ang lawak ng kapangyarihang sinasaklawan. May kakayahan itong itaguyod ang malinis na reputasyon ng isang artista o kaya'y lubusang sirain ang pagkatao ng artistang nais makapagbigay ng kasiyahan sa kanyang mga tagasubaybay. Malinis na naihanay ni Lino Brocka at ng kanyang mga manunulat ang magkakaugnay na temang may mahalgang sinasabi tungkol sa situwasyon ng mga taga-industriya. At habang nagiging kumplikado ang tunggalian, nahawakan ng pelikula ang pananabik bunga ng maingat na editing, malikhaing sinematograpiya at ensemble na pagganap hanggang sa maipamalay sa pagtatapos ng pelikula na ang artista ay biktima rin ng mundong kanyang ginagalawan.
Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose F. Lacaba At Roy Iglesias
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Willie Yusi
Editing: Rogelio Salvador
Disenyong Pamproduksiyon: Joey Luna
Prodyuser: Regal Films
More Sine Nostalgia: Napakasakit, Kuya Eddie 1986
Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.
Technorati Tags:70s, 80s, film, movies, nostalgia
No comments:
Post a Comment