Sine Nostalgia: Napakasakit, Kuya Eddie 1986
Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.
O Anong Sakit, KUYA EDDIE
Dekada '80. Ang bansa ay sumasailalim sa isang krisis pang-ekonomiya. Maraming kompanya ang nagsasara dala ng matinding pagbulusok sanhi ng inflation. Isa si Mello (Ronaldo Valdez) sa mga nawalan ng hanapbuhay. Sa pagnanais na lumago ang natanggap na separation pay ay idineposito niya ito sa isang institusyong pinansyal kung saan itinakbo ng may-ari ang perang nalikom mula sa mga investors. Naging malaking dagok ito sa buong pamilya ni Mello at kinailangan nitong ibenta ang kanilang mga kagamitan at lumipat sa isang maliit na apartment hanggang sa pati ang asawang si Emma (Pilar Pilapil) ay kinailangang mamasukan sa isang travel agency upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Labis na naapektuhan ng situwasyon ang kanilang mga anak na sina Dino (Aga Muhlach) at Cynthia (Emily Loren). Bukod sa pagpasok sa eskuwelahan ay nag-waiter din si Dino sa Jollibee ngunit kasabay nito ang unti-unting pagkawasak ng kanyang relasyon sa kasintahang si Sandra (Janice de Belen), na may pansariling suliraning kailangang resolbahin. Samantala, naging mailap ang trabaho kay Mello hanggang sa mapagdesisyunan nitong magpunta sa Saudi Arabia upang maghanapbuhay. Patuloy pa rin si Cynthia sa pakikipag-ugnayan sa mga nakakatandang lalaking kanyang sinasamahan. Madalas na nagtatalo ang mag-ina dahil sa mga gawain ng anak hanggang sa lumayas ito at tuluyang talikdan ang sariling pamilya. Makaraan ang ilang taon ay nagbalik si Mello sa naiwang pamilya ngunit marami itong napansing mga pagbabago. Napag-alaman niya ang pakikitungo ng kanyang asawa kay Willy Ledesma (Charlie Davao), isang negosyante. Hindi naganap ang inaasahang pagkakabuo ng pamilya ni Mello. Iniwan ni Dino ang kanyang mga magulang at inayos nito ang kanilang relasyon ni Sandra hanggang tulyan silang nagsama bagaman walang tiyak na patutunguhan.
Isinapelikula ng Napakasakit, Kuya Eddie (Special People Productions, 1986) ang kompleksidad ng domestisidad at domestikasyon sa pamamagitan ng matipid na kumpas ng mga tagpo at bihasang direktoryal na pagmamaneobrang nagpapatuloy sa tensiyon ng nagbabanggaang ideyolohiya ng tahanan at pamilya. Mas dramatiko ring isinakonkreto ito ng mahusay na pagganap ni Pilar Pilapil. Bilang tradisyonal na maybahay na nangaliwa sa kanyang asawa, pinapanood natin siya habang dumaraan sa proseso ng lumbay, pagkabigo at pagtanggap. Matingkad ang kanyang pagganap dahil napilitan siyang lumikha ng mga bagong paraan ng pagharap hindi lamang sa kanyang sariling mga satanas kundi kasama rin ang kanyang pamilya na may basag na ngayon at may lamat. Ang maalam at matatag na pagganap ni Ronaldo Valdez ay nagsasaad ng pagkaunawa sa layuning dramatiko ng pelikula. Katangi-tangi rin ang pagganap ni Aga Muhlach sa maingat na pagsasagawa at pagtatanghal nito sa suliranin ng mga kabataan. Ang eksplorasyon ni Lino Brocka sa kanyang pagsasalarawan ng pamilyang Pilipino ay paglinang sa temang nangangailangan ng sariwang pamamaraan ng sinematikong paglalahad.
Direksiyon Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes
Sinematograpiya: Pedro Manding, Jr.
Musika: Homer Flores
Edtitng: Ruben Natividad
Disenyong Pamproduksiyon: Edel Templonuevo
Prodyuser: Special People Productions
More Sine Nostalgia: Pagdating Sa Dulo 1971
Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.
Technorati Tags:70s, 80s, film, movies, nostalgia
1 comment:
O my gulay! Si Janice at Aga! When I came to San Beda College as a freshman, Aga was already a sophomore. It was the height of the Janice-got-pregnant-by-Aga controversy. On the second semester, Aga did not enroll anymore.
I have made a few mistaken judgement. Aga not to last the showbiz industry was one of them.
Post a Comment