Sine Nostalgia: Broken Marriage 1983
Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.
BROKEN MARRIAGE At Ang Salimuot Ng Relasyong Mag-Asawa
Mahigit sampung taong nagsasama bilang mag-asawa sina Ellen (Vilma Santos), floor director sa isang programang pantelebisyon at Rene (Christopher de Leon), isang investigative reporter. Sa simula pa lamang ng Broken Marriage (Regal Films, 1983) mapapansing pag-uwi pa lamang ni Ellen mula sa trabaho, pakikipagtalo agad ang isinasalubong ni Rene dito. Ipinakita ng pelikula ang tumitinding alitan sa pagitan ng mag-asawa hanggang sa mapagdesisyunan nilang pansamantalang maghiwalay. Pilit na ipinaintindi ng mga ito ang di pagkakaunawaan sa kanilang dalawang anak. Nanirahan si Rene sa isang bahay na pinamumugaran ng isang grupo ng mga absurd characters na matatagpuan sa pelikula. May iskultor, isang bit player at ang kinakasama nitong baklang art director. Di naglaon, napilitang makisama ni Ellen at ng mga anak sa poder ng kanyang ina sa dahilang pinagnakawan ang kanilang bahay dala ng kawalan ng lalaking magtataguyod dito. Nang mapag-alamang ilalathala ni Rene ang isang artikulong maglalantad sa katiwalian ng isang opisyal ng lokal na pamahalaan ay agad itongipinagulpi upang mapigilan ang pag-publisa ng artikulo. Pansamantalang tumigil si Rene kasama ng asawa't anak sa bahay ng kanyang biyenan upang magpagaling at dito naayos ng dalawa ang kanilang pagsasama. Ang pagtatapos? Muling nabuo ang kanilang pamilya.
Paano malalampasan ng Broken Marriage ang Relasyon? Kung pagbabasehan ang intensiyon ng direktor, higit itong nakaaangat sa Relasyon. Mula simula hanggang sa pagtatapos nito, hindi lumihis ang Broken Marriage sa mensaheng nais nitong ipahatid. Mahusay ang pagsasalarawan ni Ishmael Bernal sa domestikong suliranin ng mag-asawa bagama't sumasang-ayon sa patriyarkal na gahum habang pinagbibigyan nito ang di inaasahang pagkamulat ng lalaking protagonista ay nagpakita ding ganap sa semiotikong detalye ng kompleksidad ng resolusyon sa pansariling loob. Ang sensitibong paglikha ni Vilma Santos kay Ellen ay isang marubdob at personal na layon kung ihahambing sa kanyang pagsasakarakter ng papel ni Marilou bilang kerida sa Relasyon. Hinamon ni Ellen ang kumbensiyonal na depinisyon ng pagiging asawa at pagkaina sa paghahanap ng mga alternatibo sa gitna ng makainang pagpapalaki sa mga anak. Ginawan niya si Ellen ng sariling silid kung saan nakahanap ito ng solitaryong kanlungan nang hindi pinuputol ang pakikipag-ugnayan sa asawa. Iniugnay ni Ellen ang ang kanyang pribadong hapdi sa spectrum ng kanyang relasyon. Samantala, nakatutok ang tunggalian sa Broken Marriage hindi lamang kay Vilma Santos kundi kay Christopher de Leon. Nasa asawang lalaki ang bulto ng suliranin kaya sa kanya umiikot ang kuwento, ang relasyon ni Rene kay Ellen at ang relasyon ni Rene sa kanyang mga anak. Ang maalam na pagpasok ni de Leon sa katauhan ni Rene ang lumiligalig sa mga kontradiksiyong talamak sa sistemang patriarkal. Kaakibat ng Broken Marriage ang manipestasyon ni Bernal sa pagbibigay ng representasyon sa reyalidad at partikular na pagsasaayos ng iba't-ibang elementong kaagapay sa masining na pagbuo ng pelikula.
Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Jose Carreon At Bing Caballero
Sinematograpiya: Manolo Abaya
Musika: Max Jocson
Editing: Jess Navarro
Disenyong Pamproduksiyon: Len Santos
Prodyuser: Regal Films
More Sine Nostalgia: Bakit May Pag-ibig Pa 1979
Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.
Technorati Tags:70s, 80s, film, movies, nostalgia
No comments:
Post a Comment