Sine Nostalgia: Kakabakaba Ka Ba? 1981
Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.
Bawat Pintig... Bawat Tibok... KAKABAKABA BA BA?
Kailan ba sinasabing kumbensiyunal ang paraan ng pagkukuwento ng isang pelikula? Nagdaan ito sa pag-eeksperimento ng manlilikhang naghahanap ng mga paraang higit na umaangkop sa kani-kanilang mga layuning pansining. Ang Kakabakaba Ka Ba? (LVN Pictures, 1980) ni Mike de Leon ay pelikulang humihigi ng pagbasa ang paksain at ang mga tagpong maingat na naisaayos ng direktor. Dahil maraming detalye ang tumataliwas sa reyalismo, hinihikayat ng dulang pampelikula ang manonood na hanapin ang kahulugan sa ibang lebel, ang lebel na ipinapatnig ng masakit na pagbibiro. Mapait na biro siyempre ang prosesong pinagdaanan ng Hapong si Onota (Buboy Garovillo) sa makailang ulit na pagtatangkang magpasok ng mga ilegal na substansiya sa bansa na siyang naging sanhi ng pagkaputol ng kanyang mga daliri sa bawat tinamong pagkabigo. Walang duda, nais ipaabot ng nasabing detalye ang sakripisyo ng isang miyembro ng Yakuzang nabigyan ng isang mahalagang misyon ng Grand Master (George Javier). Muling nabigyan si Onota ng pagkakataong makabawi sa mga naunang pagkabigo ngunit nanaig ang pangambang maaring maulit ang nangyari dati. Inilagay nito ang cassette tape na naglalaman ng opyo sa bulsa ng jacket ni Johnny (Christopher de Leon). Isinalarawan ng direktor ang mga kasiya-siyang situwasyong nakapaloob sa pelikula at gumamit ito ng masakit na pagbibirong tinuligsa hindi lamang ang kamangmangan ng maykapangyarihan kundi pati na rin ang sekta ng relihiyon. Sa pamamagitan ng pagbibiro, napalalim ni De Leon ang pamumuna ng kanyang pelikula.
Naiiba ang estilo ng pagsasalaysay sa mga pangyayaring pinili ng mga manlilikha upang mailarawan ang nagbabadyang tagumpay ng Yakuza sa pamamagitan ng paggamit ng musika sa dalawang tagpong tila halaw sa mga tradisyunal na pelikulang banyanga tulad ng Godspell (1973), Hair (1979) at Rocky Horror Picture Show (1975) . Mahalaga rin ang paggamit sa elemento ng editing sa pagbusisi ng pelikula sa mga tunggalian ng hayag at di hayag, ng lantad at ng mga nakatago, ng mga intelektuwal at mangmang, ng tuso at uto-uto, ng mga politikal o apolitikal ng mga makapangyarihan at walang kapangyarihan, ng mga naghahabol at hinahabol, ng mga pagkasukol at pagkaligtas at kung paanong nagsasalimbayan, nagkakabaligtaran at kadalasan ay nagkakatulad at nag-aayunang mga dikotomiyang ito. Sa katunayan ay ipinakita ni De Leon sa pelikula ang nagkakapalitang-anyo at mukha ng mga dikotomiyang ito, ang pagpapalit-posisyon ng mga tauhan at mga estruktura upang padaluyin ang isang pagkakaiba ng mga nilikhang dikotomiyang ito. Sa maraming pagkakataon ay magkakakutsaba ang mga paghahating ito. Ang morpolohiyang ito at ang paniniyak sa mga estratehiya sa pagpapatuloy ng kaayusang ito ang inilantad ng pelikula sa mabusisi nitong pagtatagping kinahantungan ng mga biswal ay awral na imahe ng lipunang Pilipino.
Direksiyon: Mike de Leon
Dulang Pampelikula: Doy del Mundo Raquel N. Villavicencio At Mike de Leon
Sinematograpiya: Rody Lacap
Musika: Lorrie Ilustre
Editing: Ike Jarlego, Jr.
Disenyong Pamproduksiyon: Raquel N. Villavicencio
Prodyuser: LVN Pictures
More Sine Nostalgia: Ang Kambal Sa Uma 1979
Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.
Technorati Tags:70s, 80s, film, movies, nostalgia
No comments:
Post a Comment