Sine Nostalgia: Bakit May Pag-ibig Pa 1979
Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.
Ang Magkaibang Hugis Ng PAG-IBIG
Dalawang magkaibang hugis ng pag-ibig ang tinalakay sa pelikulang Bakit May Pag-Ibig Pa (AA Productions, 1979). Isang pambihirang pagkakataon kung saan maikukumpara ang magkaibang estilo ng dalawa sa pinagpipitagang manlilikha ng pelikulang Pilipino, sina Ishmael Bernal at Celso Ad Castillo. Sa unang kasaysayang mula sa dulang pampelikula ni Jorge Arago ay ipinakita ang di inaasahang pagtatagpo ng isang dating madre (Nora Aunor) at isang arkitektong naghahanap ng kasagutan sa mga katanungang bumabagabag sa pagkatao nito. Mapapansing malaki ang impluwensiya ng mga banyagang pelikula tulad ng Interiors (1978) ni Woody Allen. Nagtangkang maging alternatibo ang kasaysayan ni Bernal, ngunit hindi malinaw kung alternatibo saan at kung kaninong punto de bista. Bunga nito nagmistulang pinag-halu-halo ng kung anu-anong isyu ang pelikula at nalabusaw ang mahusay na panimulang eksposisyon sa talinhaga ng dalawang tauhan at ang kanilang magkaibang antas sa buhay. Gayon pa man, mapapansin sa watak-watak na daloy ng naratibo ang pagsisikap na pagsanibin ang mga nasa, pisikal/seksuwal, pangkaisipan at espiritwal upang muling buuin ang pagkatao ng mga karakter. Naglalakad na tila walang patutunguhan ang madre sa paghahanap ng metaporikal na kahulugan ng pag-ibig at pananampalataya. Sa kanyang paglalakbay, nagtagpo sila ng arkitektong napagkamalan itong katulong na siyang ipinadala ng kanyang ina. Nang gahasain ng amo, hindi lamang ang kanyang pisikal na pagkababae ang ginahasa kundi maging ang kanyang humanidad. Winasak ng karahasang ito ang kanyang paniniwala sa katutubong gawi. Nariyan din ang paglalaho ng poot sa lalaking nang-abuso, nagbigay daan ang kanyang dinanas upang mabuksan hindi lamang ang kanyang isipan kundi ang natutulog nitong damdamin. Sa dulo ay nagbunga ito ng isang uri ng pag-iibigang lubhang matalinghaga at hindi inaasahan. Mapangumbinsi ang pagganap ni Christopher de Leon. Nasa kanyang karakter ang bulto ng suliranin kaya dito umiikot ang kuwento, relasyon niya sa kanyang ina (Paraluman), ama (Vic Silayan) at pakikitungo sa kanyang katulong (Aunor). Sensitibo ang kanyang pagpasok sa katauhan na nililigalig ang mga kontradiksiyong talamak sa nakasanayang tradisyon ng pagganap sa pelikula. Ang tapang at husay ni Nora Aunor ay hindi nabigyan ng sapat na paggabay upang magagap ang kabuuan ng internal na tensiyon ng pangunahing tauhang babae. Hindi ito napatampok sa antas ng kontradiksiyon, sa halip ay hinayaang lumutang-lutang ang tensiyong hindi nagkaroon ng matalinong resolusyon.
Sa kabilang banda, masinop ang mga elemento ng pelikula sa kasaysayan ni Castillo ngunit napakanipis ng temang pinalaman sa dulang pampelikulang isinulat din ng direktor. Nagingibabaw ang aspetong teknikal ng pelikula. Naipahayag nito ang naratibo habang nagtutuon ng matimbang na pagpapahalaga sa estetika ng pelikula. Ang pagsisikap ni Castillo na gamitin ang lakas ng teknik ay humahantong sa isang antas upang ito ay maging makabuluhang pelikula. Ang mga imahen ng Ati-Atihan sa Aklan kung saan unang nagkita at nagkakilala sina Solly (Alona Alegre) at Cris (Romeo Vasquez), mga tagpo sa Baguio at mga kuha ng tenement housing kung saan naninirahan si Solly ay lumilikha ng pelikulang mahusay ang bahaging produksiyon, sa kabila ng umuulikkil na suliranin sa layuning dramatiko ng pelikula. Dumarating ang mga imahe at tunog sa tantiyadong dinamika at nagpapatindi sa kamalayan sa pag-iral ng sariling nakapaloob sa kapaligiran ng mga tauhan. Ang sensitibong paglalantad ni Alona Alegre ng saloobin ay isang kapani-paniwalng pagganap at pagtatapat. Mahalagang puwersa sina Bernal at Castillo na tumitiyak sa hugis ng pelikulang Pilipino. Isinalarawan sa Bakit May Pag-Ibig Pa ang personal na ideyolohiya at pilosopiya ng dalawang direktor. Ang pelikula ay repleksiyon ng mga manlilikha nito at nagsisilbing teksto ng pananalamin sa kani-kanilang punto-de-bista.
(Unang Kasaysayan)
Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Jorge Arago
Sinematograpiya: Loreto Isleta At Sergio Lobo
Musika: George Canseco
Editing: Abelardo Hulleza
Disenyong Pamproduksiyon: Beatriz Gosiengfiao, Pis Boado At Danny Alvarez
(Ikalawang Kasaysayan)
Dulang Pampelikula At Direksiyon: Celso Ad Castillo
Sinematograpiya: Romeo Vitug
Musika: George Canseco
Editing: Abelardo Hulleza
Prodyuser: AA Productions
More Sine Nostalgia: Kakabakaba Ka Ba? 1981
Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.
Technorati Tags:70s, 80s, film, movies, nostalgia
No comments:
Post a Comment