Sine Nostalgia: Ang Kambal Sa Uma 1979
Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.
Naiibang KAMBAL
Isang metaporikal at tuwirang pagdanas sa hamon ng tradisyon ang dinaanan ng magkapatid na sina Ella at Vira (Rio Locsin) sa Ang Kambal Sa Uma (SQ Film Productions, 1979). Itinago ni Ben (Jose Romulo) ang kambal upang ilayo sa pangungutya ng mga taga-lalawigan dahilan sa naiiba ang mga ito. Binulabog ni David (Al Tantay) ang dinatnang ayos ng buhay ng mag-aama, hanggang sa umibig si Ella sa binata. Sa pag-aakalang may pagtingin din sa kanya ang binata ay nagtungo si Ella sa ospital kung saan ito nakaratay at doon, siya ay nabaril ng kasamahan ni David. Sa pagnanais na ipaghiganti ang sinapit ni Ella ay nasawi din ang kanilang ama. Kahit sumakabilang buhay na ay nagpapakita pa rin si Ella kay Vira. Sumailalim sa isang modernong transpormasyong medikal si Vira sa tulong ni Dr. Alfredo Aldeguer (Orestes Ojeda). Naging matagumpay ang pagbabagong anyo ni Vira at kahit lubos ang pagtanggi nito ay ginamit ni Ella ang katawang tao nito upang tuluyang mapasakanya si David.
Sa unang tingin ay tila isang nakasanayang pormula ng pagtalakay sa isang lokal na komunidad at mitolohiya ang pelikula ngunit nag-ibang pihit ito dahil sa malawak na imahinasyon ni direktor Joey Gosiengfiao. Inilantad nito ang masalimuot na buhay ng magkapatid na taong daga at ang pagtalikod ng lipunan sa mga tulad nila. Itinampok din ang doble-karang mukha ng kontemporaryong medisina sa eksploytasyon sa abnormalidad ng tao. Itinanghal nito ang lawak at kapangyarihan ng aparatong ito ng lipunan. Maaring batikusin ang pelikula dahil tila naging deus ex machina ang kanyang resolusyon na tanging sa kamatayan lamang maisasakatuparan ang pagmamahalan ni Ella at David gayong natukoy na sa daloy ng istorya na artipisyal ang damdamin ng lalaki at walang puwang dito ang pagmamahal. Subalit sa kabilang banda'y maaring ipinamamalay nga ng pelikula sa ganitong resolusyon na hindi lubusang maipapaliwanang ang tunay na saloobin ng tao. Masinop ang mga elemento ng pelikula sa Ang Kambal Sa Uma. Konsistent ang disenyong biswal at sinematograpiya. Malinis ang editing, sayang at hindi man lamang gumamit ng orihinal na musika ang pelikula. Sa pangkalahatan, masasabing malinis na naihanay ni Gosiengfiao ang magkaka-ugnay na tema ng pelikula. Nagawa ng Ang Kambal Sa Uma na lambungan ng misteryo ang daloy ng mga pangyayari upang sa huli'y maging higit na epektibo ang pagtukoy sa dinanas ng magkapatid na taong daga, at habang nagiging kumplikado ang tunggalian, nahawakan ng pelikula ang pananabik ng manonood hanggang maipamalay sa wakas ng istorya na tao rin ang maaring makapagpabago sa abnormalidad ng kapwa tao.
Direksiyon: Joey Gosiengfiao
Dulang Pampelikula: Medy Tarnate
Hango Sa Nobela Ni: Jim Fernandez
Sinematograpiya: Ricardo Jacinto
Musika: Demet Velasquez
Edting: Rogelio Salvador
Prodyuser: SQ Film Productions
More Sine Nostalgia: Diosa 1981
Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.
Technorati Tags:70s, 80s, film, movies, nostalgia
No comments:
Post a Comment