October 22, 2007

Sine Nostalgia: Stardoom 1971

Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.


Mag- Ingat Sa Iyong Pagsikat... STARDOOM!

Isang tipikal na stage mother si Toyang (Lolita Rodriguez). Ibinubuhos nito ang lahat ng kanyang panahon at atensiyon sa anak na si Joey (Walter Navarro). Nariyang pabayaan ni Toyang si Emong (Mario O'Hara), ang panganay nitong anak. Namamasukan sa isang grocery si Emong. Minsang naabutan nito si Joey na kinukupit ang maliit na halagang naipon nito ay ginulpi nito ang kapatid at binugbog. Nang makita ni Toyang ang ginawa ni Emong sa nakababatang kapatid ay pinalayas nito ang anak. Sa paniniwalang magiging matagumpay na artista ang kanyang anak ay naglalagi ito sa mga studio ngunit madalas siyang tanggihan ng mga prodyuser hindi dahil sa hindi mahusay si Joey kundi dahilan sa labis na pakikialam ni Toyang. Dito nakilala ni Joey si Myra (Hilda Koronel), isang dalagang nangangarap maging isang artista ngunit higit na pinapahalagahan ang kanyang pag-aaral dahil nais nitong maging isang manunulat.

Dahil sa walang mangyari sa paglibot ni Toyang mga studio ay sinubukan naman nitong ilako ang kanyang anak sa telebisyon. Minsang naghihintay si Joey sa kanyang ina ay nakadaupang-palad niya si Nina Grande (Lotis Key), isang sikat na artista sa telebisyon. Nang makapasa si Joey sa audition ay kinuha itong maging palagiang mang-aawit sa Young Beat, isang palantuntunang pantelebisyon. Muling nanumbalik kay Toyang ang naudlot nitong pangarap na maging isang sikat na bituin. Unti- unting naabot ni Joey ang matagal nang pinapangarap. Pinagsabihan ito ni Nina na makakasira lamang ang kanyang ina sa kung kaya't nagsimulang mag-desisyong para sa kanyang sarili si Joey. Dahil sa madalas na pag-uwi ng gabi ni Joey ay kinagalitan ito ni Toyang at tuluyang pinalayas ng ina ang kanyang anak. Nakisama si Joey kay Raffy (Jimmy Morato), isang mayamang homoseksuwal na nakilala nito sa isang niteclub. Pinangakuan ni Raffy na kakausapin nito ang kanyang inang si Carlota Morales (Tita Munoz) na siyang magpo-prodyus ng unang pelikulang magtatampok kay Joey bilang isang artista. Mahilig sa lalaki ang ina ni Raffy at lubhang ikinasama ng kanyang loob nang makita nito si Joey sa silid ng sariling ina. Samantala, naiwang nag-iisa sa kanilang tahanan si Toyang. Inimbitahan siya ni Emong at ng kaibigang si Patchay (Caridad Sanchez) na sumama at sa kanila na ito manirahan. Napapansin naman ni Nina ang panlalamig ni Joey sa kanya at sinumabatan niya ito sa mga tulong na ginawa niya upang marating ni Joey ang tinatamasang kasikatan. Pinalayas ito ni Joey sa kanyang apartment at sinabihang bayad na siya sa lahat ng naitulong ni Nina sa kanya. Dumating ang gabing pinakahihintay ng lahat ang pagtatanghal ng kauna-unahang pelikula ni Joey na pinamagatang Stardom. Nagsisiksikan ang mga taong nais makapanood ng pelikula ng kanilang idolo. Naroon si Nina Grande at bilang ganti sa pagwawalang-bahala sa kanya ay binaril nito si Joey. Nasaksihan nina Toyang at Emong ang mga kaganapan sa telebisyon kaya't kapwa sila humangos sa pagamutan upang puntahan si Joey ngunit nasa malubhang kalagayan ang kanyang anak. Pinuntahan ng mag-inang Toyang at Emong ang sinehang pagtatanghalan ng pelikula ni Joey at sinabi nito sa ina na nagtagumpay din ito sa kanyang ambisyon dahil isang kapamilya ang naging artista sa pinilakang tabing.

Kakaiba ang Stardoom (LEA Productions, 1971) sa mga pelikulang likha ni Lino Brocka noong unang bahagi ng dekada '70. Maaring hindi ito kasing tapang ng Tubog Sa Ginto na ipinalabas din nang kasabay na taon ngunit dito tahasang binatikos ni Brocka ang sistemang lumalaganap sa hantarang paggamit ng mga kabataang nagnanais mag-artista. Ipinakita sa Stardoom ang pangarap ng bawat Pilipinong makaahon sa kahirapan at ang tanging paraan upang makamit ito ay sa pamamagitan ng pagpasok sa mundo ng pelikula. Malaki ang naitulong ng sensitibong pagganap ni Lolita Rodriguez bilang Toyang. Di rin malilimutan ang husay na ipinamalas nina Mario O'Hara sa papel ni Emong at Caridad Sanchez bilang Patchay. Sadyang malubhang sakit ng lipunan ang kahirapan at sa sumunod pang mga taon ay tinalakay ni Brocka ang suliraning ito sa mga obrang kanyang nilikha. Sa mga naunang pelikula ng direktor ay naipadama na nito ang kanyang simpatiya sa masang Pilipino. Hindi nakakapagtakang sa anggulong ito pumalaot ang mga sineng tatak-Brocka.

Istorya at Direksiyon: Lino Brocka

Dulang Pampelikula: Orlando R. Nadres

Sinematograpiya: Freddy Conde

Musika: Jose Mari Chan

Editing: Felizardo Santos

Prodyuser: LEA Productions


More Sine Nostalgia: Ibalik Ang Swerte 1981

Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.

Technorati Tags:, , , ,


2 comments:

Anonymous said...

napanood ko ito sa cinema one noon...lolita rodriguez was very effective with her role in the sense na maiinis ka sa kanya bilang ina (with all the attention she gave walter navarro's character), pero in the end, you'll feel her pain as well...

we can also see a bit of tv history here--the pre-martial law KBS (now RPN) 9 was the setting for all the tv show sequences in the movie...orange na orange ang kulay ng mga camera nila at yung uniform ng engineering crew...

Anonymous said...

nais ko rin sana mapanood muli ang pelikulang ito. saan kaya maaaring magkaroon ng kopya?? salamat!



The Latest Features & Headlines
Don't ever miss a post and be on top of the latest features and headlines:
Get All That Nostalgia Manila Goodness! Get a Nostalgia Manila Email Subscription today and enjoy all the benefits of this wondeful service. Today, if subscribers want to read / view / watch syndicated online content, they typically have to go to where the content is hosted, or know how to subscribe to the feed and consume the content within an aggregator or reader (e.g. MyYahoo!, FeedDemon, ect.). With a Nostalgia Manila Email Subscription, you will receive all that Nostalgia Manila goodness straight to your inbox, similar to an e-newsletter. This is delivered to you in easy-to-read, plain text or HTML email containing the latest Nostalgia Manila posts. What are you waiting for? Sign Up for a Nostalgia Manila Email Subscription today!

Let everyone know you have Nostalgia Fever!
Nostalgia Fever is quite a contagious thing, and the best way to spread it is to add this cute chicklet to your site. It's real easy! All you have to do is copy and paste the HTML code below (make sure you copy the entire code), add it to your own page, and you're done! Show your love for Nostalgia Manila and spread Nostalgia Fever today!