Sine Nostalgia: Si Baleleng At Ang Gintong Sirena 1988
Nostalgia Manila in cooperation with Sari-Saring Sineng Pinoy proudly presents, Sine Nostalgia! Featuring movie critiques and reviews of the most memorable Filipino movies of the 70's and 80's by the top authority in reviewing nostalgic films, Jojo Devera. Learn about that films that shaped Filipino Pop Culture, and the movies that left their mark in Philippine cinema history.
Ang Pagtuklas Ni BALELENG Sa Kanyang Pinagmulan
Sa ICRI Orphanage na halos lumaki at nagkaisip si Baleleng (Che Che Sta Ana). Isang gabi ay nakita nito ang isang bituing pumaimbulog mula sa langit at ang tangi niyang kahilingan ay ang matagpuan ang tunay nitong pamilya. Samantala, nakita din ni Gungadina, ang Reyna Ng Kadiliman (Charito Solis) ang nasabing bituin. Katulong ang mga alalay nitong sina John (Lou Veloso) at Marsha (Manny Castaneda) ay naghasik ito ng lagim sa buong bayan. Dahilan sa napipintong pagdating ng mga kampon ng kadiliman ay tumakas si Baleleng sa bahay ampunan at habang hinahabol ng mga zombies ay nahulog ito sa tulay at nalunod sa ilog. Nang muling magkamalay si Baleleng ay nasa kandungan na ito ni Perlita (Melissa Perez Rubio), isang gintong sirena na siyang nagsilbiling anghel de la guardia nito.Ipinagtapat ni Baleleng na ang pagnanais na makilala at makita ang kanyang tunay na ina. Ipinangako ng sirena na darating din ang pinakahihintay niyang araw. Ibinigay ni Perlita kay Baleleng ang mahiwagang bituing nagmula sa kalangitan upang maging gabay nito sa paglalakbay. Napadpad si Baleleng sa poder nina Mario (Eddie Garcia) ang namumuno sa isang sindikatong tinuturuan ang mga bata ng pandurukot at ng maybahay nitong si Cedes (Laurice Guillen). Isang araw, dala ng labis na pagkagutom ay napilitan na mandukot si Baleleng ngunit sa kasamaang palad ay nahuli ito ng mga may kapangyarihan. Ang kanyang naging biktima ay ang pilantropong si Don Jose (Subas Hererro) na dahilan sa labis na pagkaawa ay nagdesisyong ampunin si Baleleng. Nang mapag-alaman ni Mario ang magandang kapalaran ni Baleleng ay nagbalak itong looban si Don Jose. Kaalinsabay ng mga pangyayari ay inalok ni Gungadina na magka-isa sila ni Mario upang mapasakanya nang tuluyan ang mahiwagang bituin. Nilusob ng mga kampon ni Gungadina ang mansiyon ni Don Jose at sa gabi ito nagkaharap sina Perlita at Gungadina. Tulad ng inaasahan ay nagwagi ang kabutihan laban sa kasamaan. Sa huli ay ipinagtapat ni Perlita kay Baleleng ang katotohanang siya ang kanyang tunay na ina at ang anak ni Don Jose na nawawala dahil itinaboy ng ama nang malamang nagkaanak ito sa kanilang hardinero. Nagkapatawaran ang mag-ama at higit ang kaligayahang idinulot ng mga pangyayari kay Baleleng.
Hindi maikakailang may mga tagpong hiniram ang Si Baleleng At Ang Gintong Sirena (LEA Productions Inc., 1988) ni direktor Chito Rono sa pelikulang Oliver (1968) ni Carol Reed. Ang mga eksena sa bahay ampunan ay magpapa-alala sa pelikulang ito. Ngunit hindi pa dito nagtatapos ang pagkakahalintulad ng likha ni Rono kay Reed. Nang mapadpad si Baleleng sa mga kamay ni Mario at ng mga batang mandurukot ay higit nitong pinag-igting ang pagkakahawig ng dalawang pelikula. Si Mario ay si Fagin. May isang tagpong sa halip na ipaliwanag ay inaawit ni Mario ang kahalagahan ng pandurukot at kung bakit kinakailangan itong gawin. Hindi naging mapangumbinsi ang eksena dahilan sa kakulangan ng angkop na tugtugin upang higit na maging mapag-anyaya ito. Samantala ang bahagi ng pelikula kung saan inampon si Baleleng ni Don Jose ay hiram sa Annie (1982) ni John Houston. Si Don Jose ay si Daddy Oliver Warbucks, pati sa anyo at pustura. Halos magkatulad naman ang karakter nina Gungadina at Miss Hannigan ang tangi ipinagkaiba nito ay ginawang Reyna Ng Kadiliman ang una. Mababanaag na sa Si Baleleng At Ang Gintong Sirena ang patutunguhan ng mga sumunod pang dulang pampelikula ni Bibeth Orteza. Nang mga sumunod na taon ay lumikha ito ng mga kasaysayang halaw sa mga banyagang pelikula tulad ng Hihintayin Kita Sa Langit (1991) sa Wuthering Heights (1939), Ikaw Pa Lang Ang Minahal (1992) sa The Heiress (1949) gayundin ang Kailangan Kita (1993) sa Masquerade (1988). Sa mga nagsiganap ay kapuri-puri si Laurice Guillen bilang Cedes, ang matiisin at mapagmahal na may bahay ni Mario. Mapangumbinsi din ang ipinamalas niyang pag-awit sa pelikula. Masinop ang aspetong teknikal at puno ng imahinasyon ang disenyo nito. Nararapat bigyang puri si Chito Rono sa pagbibigay buhay sa manipis na dulang kanyang isinapelikula.
Direksiyon: Chito Rono
Dulang Pampelikula: Bibeth Orteza
Sinematograpiya: Joe Tutanes At Ver Dauz
Musika: Toto Gentica
Editing: Augusto Salvador
Disenyong Pamproduksiyon: Dante Mendoza
Prodyuser: LEA Productions, Inc.
More Sine Nostalgia: Darna And The Giants 1974
Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.
Technorati Tags:70s, 80s, film, movies, nostalgia
No comments:
Post a Comment