December 24, 2009

Pasko Sa Amin - 'Nung Bata Pa Ako

By: Corazon F.

"Pasko na naman,
O kay tulin ng araw,"

Kasabihan sa atin sa Pilipinas, pagpasok na ng buwan ng Disyembre , talagang nalalanghap mo na ang Pasko. Sabi ng Lola ko, amoy pinipig ang hangin. Kasabay nito ay ang pagpasok ng lamig. Marami ng nagsabit- sabit na mga parol at wala na kaming pinakahihintay kung hindi ang dalawang linggong walang pasok sa iskuela.

Ang unang tanda ng Pasko sa aming bahay ay kapag inilabas na ng Tatay ang malilit na ilaw para sa aming maliit na Christmas tree. Para sa aming magkakapatid, napakaganda ng mga ilaw,, may mukha ni Santa, may Snowman, may candy cane, may star, kaya ingat na ingat kami na huwag mabasag. Siempre, lalagyan namin ng bulak sa ilalim, parang "snow".

Ang mga palamuti sa bahay ay isa-isa ng kukunin ng Nanay sa kahon- may isang Nativity set, mga sabit sa Christmas tree na madalas ay gawa ni Nanay at saka gawa namin sa iskuela. Simple lang , meron kaming "streamer" na ang sabi"MERRY CHRISTMAS AND A HAPPY NEW YEAR"---iyan, unahan lagi kami kung sino ang magsasabit.

Ang pinanabikan namin sa panahong ito ay kung anong parol ang gagawin ng lola ko. Sa aming karsada, tanyag ang lola sa kanyang mga parol, ibat- iba, may estrella, may hugis bulaklak, may hugis kandila, lira at marami pang iba. Ang kawayan, kinakayas mabuti para sa tamang lambot upang mabuo ang baskaga. Papel de Hapon at almirol ang pandikit, tapos ang palara ay binibili para sa buntot ng Parol.Hindi pa uso yung mga parol galing sa Pampanga. Kapag nakasabit na sa aming bintana ang mga parol ng Lola, lahat ng napapadaan ay tumitigil, sa labis na paghanga. Maraming gustong magorder sa Lola ko, pero ang laging sagot- talagang pangpamilya lang siya. Siempre pa, sumusunod din sa uso ang Lola, ng lumabas na ang iba-ibang kulay na plastic, lalo siyang sinipag. Kapag naman malapit na ang bagong taon, ang Lola ko rin ang gumagawa ng mga 'sulo', para sa "Torch Parade" sa bayan. Lahat ng iskuela, highschool ay kasali dito.

Ang Tatay at Nanay ay pinalaki kami na naniniwala kay Santa Claus. Sa bisperas ng Pasko, nagsasabit kami ng lumang medyas ng Tatay ko sa flower box ng bahay namin. Maaga pa ay matulog na daw kami dahil hindi darating si Santa kung gising pa kami. At saka kailangan talagang matulog ng maaga para sa Noche Buena sa hating-gabi. Natutulog kami sa himig ng mga kantang Pamasko na inaawit ng Nanay sa kusina habang naghahanda ng Pancit Molo, Chinese ham, Pandesal at Queso de Bola. Kapag malapit ng hating-gabi, gising na, takbo sa medyas!!!!WOW- ako, mayroon maliit na manika, ang Ate ko , may chocolate, ang bunso may laruang kotse. Tanong ng bunso, "paano nakarating si Santa sa amin"-- sagot ng Tatay, "may sariling sasakyan siya na nakakapunta sa buong mundo-"-bilib kami lahat sa Tatay- siempre matalino yata siya.

Sa araw ng Pasko, lahat bago ang damit at sapatos. Pagkasimba, punta na sa bahay ng Lola, para magmano-- . Ang bigay sa amin, ay malutong at bagong limang piso bawat isa. Bago matapos ang araw, ang tingin ko ba ay ang yaman ko.

Ang mga kakanin na handa ng Lola ay talagang napakasarap. Suman sa lihiya, bibingkang malagkit, palitaw, matamis na ube at leche flan. Hay, ang sarap ng buhay!!!

Ilan lamang ang mga ito sa maliligayang alaala ng Pasko ng aking kabataan.Ito ang aking kinagisnan, mga tradisyon na sinimulan ng aking mga ninuno at magulang.

Ngayon, ang aking sariling maganak ay mayroon din mga tradisyon. Isa dito ay ang laging paghiling ng aming anak na isalaysay ang mga alaala ng Pasko sa Pilipinas, kahit paulit-ulit ay hindi niya pinagsasawaan.

Patuloy ang takbo ng buhay at nakatutuwang isipin na darating ang araw na ang aming anak naman ang magiingat ng mga masasayang alaala.


Also by Corazon F: Nights of Long Ago

Technorati Tags:,

No comments:



The Latest Features & Headlines
Don't ever miss a post and be on top of the latest features and headlines:
Get All That Nostalgia Manila Goodness! Get a Nostalgia Manila Email Subscription today and enjoy all the benefits of this wondeful service. Today, if subscribers want to read / view / watch syndicated online content, they typically have to go to where the content is hosted, or know how to subscribe to the feed and consume the content within an aggregator or reader (e.g. MyYahoo!, FeedDemon, ect.). With a Nostalgia Manila Email Subscription, you will receive all that Nostalgia Manila goodness straight to your inbox, similar to an e-newsletter. This is delivered to you in easy-to-read, plain text or HTML email containing the latest Nostalgia Manila posts. What are you waiting for? Sign Up for a Nostalgia Manila Email Subscription today!

Let everyone know you have Nostalgia Fever!
Nostalgia Fever is quite a contagious thing, and the best way to spread it is to add this cute chicklet to your site. It's real easy! All you have to do is copy and paste the HTML code below (make sure you copy the entire code), add it to your own page, and you're done! Show your love for Nostalgia Manila and spread Nostalgia Fever today!